Bangsamoro Parliament, Inaprubahan ang mga Panukalang Ospital para sa Basilan at Lanao del Sur

(Litrato mula sa BTA Parliament FB Page)

COTABATO CITY (Ika-22 ng Agosto, 2025) — Inaasahang lalawak ang access sa serbisyong pangkalusugan sa mga lalawigan ng Basilan at Lanao del Sur matapos aprubahan ng Parlyamento ng Bangsamoro noong Miyerkules ng gabi, Agosto 20, ang tatlong panukalang batas na naglalayong magtatag at mag-upgrade ng mga ospital sa mga naturang lugar.

Ang Parliament Bill Blg. 104 at 105 ay naglalayong magtatag ng Level 1 general hospital na may kapasidad na 25 kama sa mga baybaying bayan ng Tipo-Tipo at Maluso sa Basilan.

Ipinahayag ni Basilan Governor Mujiv Hataman ang kanyang suporta sa pagpasa ng mga panukala, at binigyang-diin na makatutulong ito sa pagpapalawak ng serbisyong medikal sa mga komunidad na kulang sa access sa kalusugan.

Samantala, ang Parliament Bill Blg. 350 ay naglalayong i-upgrade ang Dr. Serapio B. Montaner Jr. Al Haj Memorial Hospital sa Malabang, Lanao del Sur mula Level 1 patungong Level 2 hospital na may 100-kama na kapasidad.

Kasama rin sa panukala ang pagpaparami ng mga kawani ng ospital—mga manggagawang medikal at administratibo—upang matugunan ang lumalaking pangangailangang medikal sa lugar.

Ayon kay Health Committee Chair Hashemi Dilangalen, ang pagpasa ng mga batas ay patunay ng patuloy na pagsusumikap ng pamahalaang Bangsamoro na gawing prayoridad ang pagkakaroon ng abot-kaya, sapat, at dekalidad na serbisyong pangkalusugan para sa mga mamamayan.

Binanggit naman ni Health Minister Kadil Sinolinding Jr. na sa pamamagitan ng mga panukalang ito, mapapalakas ang sistema ng kalusugan sa rehiyon, magkakaroon ng mas maraming oportunidad para sa mga manggagawang medikal, at mas mapapalapit ang serbisyong pangkalusugan sa mga nangangailangan.

Magpapalabas rin ang Ministry of Health (MOH) ng mga kaukulang patakaran para sa operasyon ng mga ospital, at titiyakin ang pondo para sa konstruksiyon, pasilidad, kagamitang medikal, maintenance, at serbisyo ng mga kawani.

Ayon sa MOH, PhP 50 milyon ang ilalaang pondo para sa bawat ospital mula sa 2025 General Appropriations Act ng Bangsamoro (GAAB).

Simula nang maitatag ang Bangsamoro Parliament noong 2019, nakapagtibay na ito ng 17 batas na may kinalaman sa pagtatayo at pagpapabuti ng mga ospital sa rehiyon.

Ang mga panukalang batas ay pangunahing inakda nina MP Mosber E. Alauddin, Hatimil E. Hassan, Laisa M. Alamia, Kadil M. Sinolinding Jr., Sha Elijah B. Dumama-Alba, Lanang T. Ali Jr., Mohagher M. Iqbal, Baintan A. Ampatuan, Hashemi N. Dilangalen, Pangalian M. Balindong, Rasol Y. Mitmug, Ishak V. Mastura, Nabil A. Tan, at Baintan A. Ampatuan, kasama ang dating mga MP na sina Amilbahar S. Mawallil, Aida M. Silongan, Tarhata M. Maglangit, Amroussi A. Macatanong, Muslimin A. Jakilan, Mary Ann M. Arnado, Ibrahim D. Ali, Eddie M. Alih, Bassir D. Utto, at Paisalin Tago.

Kasama rin sa mga co-author sina MP Suharto M. Ambolodto, Don Mustapha A. Loong, Rasul E. Ismael, Mudjib C. Abu, Mohammad Kelie U. Antao, Dan S. Asnawie, Matarul M. Estino, Tawakal B. Midtimbang, Suwaib L. Oranon, Abdulwahab M. Pak, Said M. Sheik, Khalid M. Hadji Abdullah, Abdullah G. Macapaar, Nurredha I. Misuari, Froilyn T. Mendoza, at Jose I. Lorena, at mga dating MP na sina Ibrahim Ali, Ali Montaha D. Babao, Marjanie S. Macasalong, Diamila D. Ramos, Bassir Utto, at Albakil D. Jikiri. (BMN/BangsamoroToday)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Previous post Lider ng CSOs at Iba’t Ibang Sektor, Nagtipon para sa Pinal na Drafting ng Bangsamoro CSO Engagement and Empowerment Act of 2025
Next post Zamboanga del Sur Holds Landmark Bangsamoro Consultative Assembly