
Bangsamoro Parliament, Inaprubahan ang Redistricting ng mga Distrito bago ang Halalan sa Oktubre 13, 2025

COTABATO CITY (Ika-20 ng Agosto, 2025) — Inaprubahan ng Bangsamoro Transition Parliament ang panukalang batas para sa redistricting o muling pagsasaayos ng mga distritong pampamahalaan sa Bangsamoro Autonomous Region ilang linggo bago ang kauna-unahang halalan sa parliyamento ng rehiyon na nakatakda ngayong Oktubre.
Ang Parliament Bill No. 351, na iniakda ng Government of the Day, ay nag-aamyenda sa Bangsamoro Autonomy Act No. 58 upang muling ipamahagi ang pitong distrito na orihinal na inilaan para sa lalawigan ng Sulu, kasunod ng desisyon ng Korte Suprema na nagkakabukod sa Sulu mula sa BARMM.
Batay sa bagong redistricting, ang alokasyon ng mga distrito ay ang mga sumusunod: Siyam (9) para sa Lanao del Sur, Lima (5) bawat isa para sa Maguindanao del Norte at Maguindanao del Sur, Apat (4) bawat isa para sa Basilan at Tawi-Tawi, Tatlo (3) para sa Lungsod ng Cotabato, Dalawa (2) para sa Special Geographic Area
Itinuring bilang urgent ni Chief Minister Abdulraof Macacua ang panukala kaya’t mabilis itong inaprubahan noong gabi ng Martes, Agosto 19.
Sa kanyang ulat sa Bangsamoro ngayong buwan, tinukoy ni Macacua na kabilang ang redistricting bill sa kanyang mga pangunahing prayoridad.
Ayon kay MP Naguib Sinarimbo, tagapangulo ng Komite sa Pamahalaang Lokal, ang pagpasa ng panukalang batas na ito ay isa sa mga pangunahing pangako ng pinalawig na transition parliament na orihinal sanang matatapos nitong Mayo.
“This is the final act of the Parliament to ensure there is an election in October, (Ito ang huling hakbang ng Parliyamento upang matiyak ang pagdaraos ng halalan sa Oktubre),” ani Sinarimbo.
Ang inaprubahang bersyon ng batas ay nakabatay sa pinakabagong datos mula sa 2024 population census ng Philippine Statistics Authority, kung saan umabot sa 4.5 milyon ang populasyon ng BARMM — isang pagtaas ng tinatayang 14.69% mula noong 2020.
Naglalaman din ang batas ng isang transitory provision na nagpapahintulot sa Kongreso na muling magtalaga ng hindi bababa sa pitong distrito kung sakaling muling mapasama ang Sulu sa BARMM, alinsunod sa populasyon at iba pang legal na batayan.
Ayon sa pahayag ng Bangsamoro Parliament, ipapadala na ng Parliyamento ang kopya ng panukalang batas sa Commission on Elections (Comelec) upang masimulan ang implementasyon ng mga batas sa halalan, kabilang ang bagong redistricting law.
Samantala, sinabi ni MP Sittie Fahanie Uy-Oyod, tagapangulo ng Komite sa Pag-amyenda at Kodipikasyon ng mga Batas, na umaasa ang mga mambabatas na kikilos ang Comelec upang maisakatuparan ang redistricting sa nalalapit na halalan, kahit pa inanunsyo na ng Comelec na tuloy ang halalan kahit walang redistricting law.
Sa pagkakapasa ng PB No. 351, kumpleto na ang 80 puwesto sa Bangsamoro Parliament: 40 para sa mga party representatives, 32 para sa mga district representatives, at 8 para sa mga sectoral representatives. (BMN/BangsamoroToday)