Bangsamoro Youth Commission, Ibinida ang mga Nagawang Accomplishment sa State of the Bangsamoro Youth Address

(Litrato mula sa KuyaFar Photography FB Page)

COTABATO CITY (Ika-13 ng Agosto, 2025) — Matagumpay na isinagawa ang ika-6 na State of the Bangsamoro Youth Address (SOBA) ng Bangsamoro Youth Commission (BYC) noong Martes, Agosto 12, sa KCC Convention Hall, Cotabato City, bilang bahagi ng pagdiriwang ng International Youth Day at ibinida ang mga nagawang accomplishments.

Pinangunahan ng Bangsamoro Youth Commission ang pagtitipong ito na naglalayong ilahad ang kasalukuyang kalagayan ng kabataang Bangsamoro sa mga sektor ng edukasyon, kalusugan, kabuhayan, at partisipasyon sa pamahalaan. Ang SOBA ay nagsilbing mahalagang plataporma upang ipahayag ang mga tinig, pangangailangan, at tagumpay ng mga kabataan sa rehiyon.

Sa kanyang pangunahing talumpati, ibinahagi ni BYC Chairperson Nasserudin D. Dunding, ang mga programang isinusulong ng komisyon upang mapabuti ang kapakanan ng kabataang Bangsamoro. Kabilang dito ang mga inisyatiba para sa edukasyon, mental health, leadership development, peacebuilding, at kabuhayan.

“Ang mga programang ito ay nakatuon sa pagbibigay ng mas maraming oportunidad para sa kabataang Bangsamoro upang maging aktibong katuwang sa pag-unlad ng rehiyon,” pahayag ni Dunding. Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng bukas na komunikasyon sa pagitan ng pamahalaan at kabataan upang mas mapalawak ang implementasyon ng mga makabuluhang polisiya at proyekto.

Daan-daang kabataang lider mula sa iba’t ibang bayan at lalawigan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang lumahok sa naturang pagtitipon. Dumalo rin ang mga kinatawan mula sa mga youth-serving organizations, student councils, at iba’t ibang ahensya ng Bangsamoro Government, na siyang nagpapakita ng lumalawak na partisipasyon ng kabataan sa mga usaping pampamahalaan.

Bukod sa mga talumpati, tampok sa programa ang mga exhibit ng youth-led initiatives, breakout sessions para sa malalimang talakayan, at ang ceremonial signing ng mga bagong kasunduan para sa mga proyekto sa youth development.

Ang taunang SOBA ay isang patunay ng patuloy na pagtutok ng Bangsamoro Government sa kabataang Bangsamoro bilang mahalagang sektor ng lipunan. Sa pamamagitan ng ganitong mga inisyatiba, layon ng pamahalaan na higit pang mapalakas ang boses ng kabataan at mapalalim ang kanilang ambag sa kapayapaan at kaunlaran ng rehiyon. (Hannan G. Ariman, BMN/BangsamoroToday)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Previous post PENREO Tawi-Tawi, Matagumpay na Nagsagawa ng Tree-Growing Activity sa Panglima Sugala, Tawi-Tawi