
Committee Report sa Transitional Justice Bill, Isusulong sa BTA Parliament

COTABATO CITY (Ika-12 ng Agosto, 2025) — Handa nang isumite sa plenaryo ng Committee on Bangsamoro Justice System (CBJS) na pinamumunuan ni MP Teng Ambolodto ang ulat sa mga panukalang batas na naglalayong magtatag ng Bangsamoro Transitional Justice and Reconciliation Program.
Ito ay makaraan ang tatlong araw ng masusing deliberasyon ng Parliament Bill No. 353 ng Government of the Day (GOTD) at Parliament Bill No. 25 na inisponsor ni Deputy Speaker Atty. Laisa M. Alamia.
Isinagawa ang deliberasyon batay sa ulat ng Technical Working Group on Transitional Justice and Reconciliation (TWG-TJR), na pinangunahan ni Deputy Floor Leader at Social Services and Development Minister Atty. Raissa H. Jajurie, pagkatapos magsagawa ng serye ng malawakang public hearings sa Basilan, Cotabato City, Maguindanao, Lanao, at Tawi-Tawi, kasunod ng pagsusuri sa mga position paper mula sa iba’t-ibang stakeholders.
Ayon kay MP Teng Ambolodto, layunin ng panukala na kilalanin ang mga makasaysayang kawalan ng katarungan, magtakda ng mga paraan para sa pananagutan, magbigay ng reparasyon, magpatupad ng mga reporma sa institusyon, at maiwasan ang pag-ulit ng mga nakaraang paglabag sa karapatang-pantao.
Ang pagsasabatas ng Bangsamoro Transitional Justice and Reconciliation Act of 2025 ay isa sa mga pangunahing priorities ni Bangsamoro Chief Minister Abdulraof Macacua.
Ang transitional justice ay isang mahalagang bahagi ng Normalization Track ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro na nilagdaan ng Gobyerno ng Pilipinas at Moro Islamic Liberation Front noong Marso 27, 2014, ayon pa kay MP Teng Ambolodto. (PR, BMN/BangsamoroToday)