
Bangsamoro Revenue Code, Tatalakayin sa Pagbubukas ng Sesyon ng Parlamento ngayong Buwan

DAVAO CITY (Ika-10 ng Agosto, 2025) — Nasa 95% na ang progreso ng panukalang Bangsamoro Revenue Code, ang huling priority code na itinatadhana ng Bangsamoro Organic Law, habang pinagtutuunan ito ng pansin ng Committee on Ways and Means ng Parlamento. Pinangungunahan ni Chief Minister Abdulraof Macacua ang pagsisikap na maisabatas ito bago ang halalang parliyamentaryo sa Oktubre.
Ayon kay Committee Chair Jose Lorena, ang panukala ay sumailalim sa masusing pagsusuri mula nang ito ay i-refer noong Pebrero 2024. Aniya, nasa pinal na yugto na ito at inaasahang tatalakayin sa plenaryo sa pagbubukas muli ng sesyon ng parlamento ngayong buwan.
Sa kanyang unang ulat sa Bangsamoro, hinikayat ni Chief Minister Macacua ang mga mambabatas na agarang ipasa ang nasabing code, kasama ng labing-isang iba pang prayoridad na panukalang batas, na aniya ay mahalaga sa pagtatatag ng isang ganap na gumaganang autonomous government.
Ang Bangsamoro Revenue Code ang magsisilbing legal na batayan para sa pangongolekta ng mga buwis, bayarin, at iba pang singilin sa rehiyon. Saklaw rin nito ang pamamahala ng mga pinagkukunan ng kita at mga gastusing may kaugnayan sa buwis ng Bangsamoro Government.
“We must expedite their passage without sacrificing their integrity or intent — not to rush, but to act with decisive clarity, (Dapat nating pabilisin ang pagpasa na hindi isakripisyo ang layunin o integridad ng mga ito — hindi upang magmadali, kundi upang kumilos nang may malinaw na direksyon),” ani Chief Minister Macacua. (BMN/BangsamoroToday)