
Pabahay mula sa Proyektong KAPYANAN, Naipamahagi na sa Benepisyaryo sa Lamitan City

COTABATO CITY (Ika-2 ng Agosto) — Matagumpay na nakumpleto ng Pamahalaang Lungsod ng Lamitan ang pamamahagi ng 320 na bagong yunit ng pabahay sa mga kwalipikadong benepisyaryo bilang bahagi ng proyektong pabahay na Kapayapaan sa Pamayanan (KAPYANAN) sa pakikipagtulungan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM). Ang mga modernong tahanang ito na matatagpuan sa mga Barangay Maloong Canal, Ubit, at Kulaybato, ay may mga solar lighting system.
Ang pamamahagi ay kinabibilangan ng 10 yunit sa Barangay Maloong Canal, 32 sa Sitio Tinog (Ubit), 10 sa Panangsangan 2, at 40 sa Lagasan.Ang mahalagang tagumpay na ito ay nagpapakita ng malaking pag-unlad sa mas malaking inisyatiba ng KAPYANAN, na naglalayong magtayo ng 1,200 yunit ng pabahay sa Lamitan City.
Sa 380 kabuuang yunit ng proyekto, ay 60 lamang dito ang patuloy pang ginagawa habang kumpleto na ang pamamahagi ng 320 sa mga benepisyaryo.
Ang proyekto ay layon ang pagbibigay ng ligtas at marangal na tirahan para sa mga pinakamahihirap, mga internally displaced persons, mga bayaning nasawi sa digmaan, mga katutubo, at iba pang marginalized communities. Ang bawat yunit, na may halagang humigit-kumulang PhP600,000, ay may mga mahahalagang kagamitan tulad ng mga solar-powered lighting.
Ipinahayag ni Mayor Roderick H. Furigay ang kanyang pasasalamat sa pamahalaan ng BARMM at kay Chief Minister Abdulraof A. Macacua para sa kanilang mahalagang suporta sa pagsasakatuparan ng proyekto.
Binigyang-diin niya ang pangako ng lungsod na magbigay ng mas magandang kinabukasan para sa mga mamamayan nito sa pamamagitan ng mga napapanatiling at inclusive development initiatives bilang dedikasyon sa pagpapabuti ng buhay ng mga residente nito at sa pagtatayo ng isang mas matatag na komunidad. (Rohamina N. Dimaukom, OJT MSU Islamic Studies Students, BMN/BangsamoroToday)