
MP Ambolodto, CFSI Naghandog ng Tulong Pangkabuhayan sa Women Organizations sa DOS

COTABATO CITY (Ika-25 ng Hulyo, 2025) — Dalawampung kababaihan mula sa Barangay Kinebeka, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte, ang nakatanggap ng tulong pinansyal mula sa tanggapan ni Bangsamoro Transition Authority (BTA) interim Parliament Member Atty. Suharto “Teng” M. Ambolodto, MNSA.
Ang tulong na ito, na ipinagkaloob sa pakikipagtulungan ng Community and Family Services International (CFSI) para sa inisyatibong “Halal Condiment Technology Enterprise,” ay naglalayong magtatag ng isang sustainable at women-led business na lilikha ng economic opportunities at mapabuti ang kabuhayan sa komunidad.
Ayon kay Noraida Abdullah Karim, CFSI Director for Mindanao Programme, ang inisyatibong ito sa ilalim ng Communities for Learning and Employment Project (CLEP) ay ipinatutupad upang isulong ang kapayapaan at sustainable local development sa anim na kampo ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at mga lugar na sakop nito.
Nakikipagtulungan ang CLEP sa implementasyon ng proyekto sa mga piling ahensya, ministeryo, at tanggapan ng BARMM, Joint Task Forces on Camps Transformation (JTFCT), local government units (LGUs), at mga partner na kooperatiba o organisasyon ng mamamayan.
Bago pa man ang pamamahagi ng tulong pinansyal, nauna nang nakipagtulungan ang CFSI sa tanggapan ni MP Ambolodto noong Disyembre 2024 upang magsagawa ng limang araw na pagsasanay para sa 20 kababaihan mula sa MATADO cooperative, na nakatuon sa “hot sauce processing”. Ayon kay Myla Gumafelix, CLEP Community Organizer ng CFSI, ang mga kababaihang kalahok sa nasabing pagsasanay ay inaasahang magiging bahagi ng community-based enterprise.
Binigyang-diin ni MP Ambolodto na ang tulong pinansyal ay isang mahalagang paraan upang makabuo ng mas produktibo at self-sufficient community. Pinuri din ng mambabatas ang CFSI sapagkat pinapakita ng inisyatibong ito ang kapangyarihan ng kolaborasyon at ang epekto na maaaring makamit kapag nagtutulungan ang bawat isa upang palakasin ang mga komunidad.
Samantala, sinaksihan din ni Sukarno Akmad, kinatawan mula sa JTFCT-Badre, ang programa. (PR, BMN/BangsamoroToday)