‘Coordinated acts of character assassination and digital demolition jobs’ — Paglalahad ni MP Benito sa mga Nagpapakalat ng Fake news sa SocMed

(Litrato mula sa Bangsamoro Parliament)

COTABATO CITY (Ika-18 ng Hulyo, 2025) — Bumanat si Member of Parliament (MP) Abdulbasit R. Benito sa pinaniniwalaan nitong lumalalang suliranin ng mga fake account, disinformation, at organisadong pag-atake sa social media na target ang mga lider at institusyon na kanyang ibinahagi sa privilege speech at inihayag sa ika-4 na Regular na Session ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) Parliament.

Ayon kay MP Benito, hindi lamang bilang isang opisyal kundi bilang isa ring biktima ng tinawag niyang “coordinated acts of character assassination and digital demolition jobs.” Nababahala ang mambabatas na kung paanong ang social media ay nagiging daanan ng kasinungalingan at poot na may malalim na epekto sa mga indibidwal at sa mismong demokrasya ng Bangsamoro.

“Hindi na ito mga iilang insidente,” giit ni MP Benito. “Ito ay mga organisadong kilos na naging kasangkapan sa paninira, pagpapabagsak ng dangal, at sinadyang pagwasak ng reputasyon,” punto nito.

Hindi man direktang inihayag ni MP Benito ang gumagawa ng pag-aatake sa kanya at sa iba pang lider ng Bangsamoro ay ramdam nito ang sakit na epekto sa kanya.

“Bilang isa sa mga personal na nakaranas ng ganitong pagsubok sa aking pangalan at kredibilidad, alam ko ang sakit at bigat na dulot nito — hindi lang sa akin kundi sa tiwala ng sambayanan,” aniya.

Nagbabala si MP Benito na kung magpapatuloy ang kultura ng panlilinlang at pagkakawatak-watak, tuluyan nang magiging pugad ng kasinungalingan at galit ang social media. Kaya’t nanawagan siya sa kanyang mga kapwa mambabatas na kumilos at gumawa ng batas para dito.

“Bilang mga miyembro ng kagalang-galang na Parlyamentong ito, tayo ay may mandato at moral na tungkulin upang kumilos. Maaaring sa pamamagitan ng batas, reporma sa polisiya, o pakikipag-ugnayan sa mga kaugnay na ahensya, kailangan na nating simulan ang hakbang upang protektahan ang dangal ng bawat Bangsamoro sa digital na mundo,” wika nito.

Kasabay ang panawagan nito sa kapwa opisyal mungkahing pagsusulong ng digital ethics at media literacy, lalo na sa mga kabataan, na aniya ay may mahalagang papel bilang tagapagtaguyod ng katotohanan at pagkakaisa. “Gamitin natin ang social media upang magbigay-inspirasyon, magpabatid, at magbuklod, hindi upang manira, magsinungaling, o maghasik ng galit.” (Tu Alid Alfonso, BMN/BangsamoroToday)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Previous post MSSD, Binigyan ng Tulong ang Pamilyang Nasunugan sa Malabang, LDS
Next post UBJP President Ebrahim Meets COMELEC Chairman Garcia to Discuss October 13 BARMM Parliamentary Elections