
MSSD Binigyan ng Honororia, Hygiene Kit ang CDWs at SNP workers sa Sitangkai , Tawi-Tawi

COTABATO CITY (Ika-8 ng Hulyo, 2025) — Tumanggap ng buwanang honoraria at hygiene kits ang 20 Child Development Workers (CDWs) at Supervised Neighborhood Play (SNP) workers sa bayan ng Sitangkai, Tawi-Tawi mula sa Ministry of Social Services and Development (MSSD) noong ika-1 ng Hulyo.
Ginanap ang payout sa MSSD Municipal Field Office sa Barangay Imam Sapie, kung saan bawat benepisyaryo ay nakatanggap ng ₱4,000 na honoraria bilang kabayaran sa kanilang serbisyo sa pagtuturo sa mga batang naka-enroll sa mga Child Development Centers (CDCs) at sa pagpapatupad ng Early Childhood Care and Development (ECCD) sa kanilang mga barangay.
Bukod dito, namahagi rin ang MSSD ng 45 hygiene kits para sa 15 CDWs at 3 SNP workers. May lamang toothbrush, toothpaste, sabon, nail cutter, tuwalya, alcohol, face mask, suklay, tissue o wet wipes, powder, at tsinelas ang bawat kit.
Ayon kay Municipal Social Welfare Officer Airyn Shariff, ang hygiene kits ay para sa mga batang kabilang sa CDCs sa siyam na barangay sa Sitangkai.
“Ang mga kit ay para sa mga batang naka-enroll sa CDCs ng siyam na barangay sa Sitangkai. Layunin ng hygiene kits na itaguyod ang kalinisan ng mga bata, maiwasan ang pagkalat ng sakit, at matulungan ang mga magulang sa pagpapanatili ng kalinisan ng kanilang mga anak sa bahay at sa paaralan,” ani Shariff.
Patuloy namang sinusuportahan ng MSSD ang mga CDWs at SNP workers sa pamamagitan ng karagdagang training at updated ECCD modules para mas mapabuti pa ang serbisyong ibinibigay nila sa mga batang Bangsamoro. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)