
Basilan Gov. Hataman, Maglalabas ng EO sa pagbabawal sa paggamit ng kanyang pangalan o imahe sa anumang proyektong pinondohan ng Gobyerno

COTABATO CITY (Ika-1 ng Hulyo, 2025) — Maglalabas ng executive order si Basilan Governor Mujiv Hataman na nagbabawal sa paggamit ng kanyang pangalan o imahe sa anumang proyektong pinondohan ng gobyerno sa lalawigan na kanyang inihayag nitong Lunes.
Binigyang-diin ni Hataman ang kanyang pangako sa mabuting pamamahala at paggalang sa pondo ng publiko. Sa pagtugon sa mga lokal na pinuno at nasasakupan, sinabi niya na ang inisyatiba ay naglalayong isulong ang transparency at accountability sa pampublikong serbisyo.
“Iaatas ko, sa pamamagitan ng isang Executive Order, ang pagbabawal ng paggamit ng aking mukha sa mga tarp o materyal na may kaugnayan sa proyektong pampamahalaan,” anya pa. “Dahil ang bawat tulay at kalsada, bawat kalsada at programa, ay hindi galing sa akin. Pera ito ng taumbayan, buwis ng taumbayan, pangarap ng taumbayan na isasakongkreto natin– kaya ang dapat nakalagay, hindi ‘Proyekto ni Mujiv,’ kundi ‘Proyekto ng mga Mamamayan ng Basilan,” punto pa nito.
Bago pa man pormal na maupo sa pwesto, sinabi ni Hataman na nakipag-ugnayan na siya sa ilang mga pambansang ahensya na nag-ooperate sa Basilan, na hinihimok silang iwasang ilagay ang kanyang pangalan o larawan sa mga imprastraktura o programa ng gobyerno.
Kilala sa kanyang maprinsipyong pamumuno at reform-oriented track record mula sa kanyang panahon bilang ARMM Governor hanggang sa kanyang termino sa Kongreso, si Hataman ay matagal nang tagapagtaguyod ng malinis, inclusive, at people-centered na pamamahala. (Tu Alid Alfonso, BMN/BangsamoroToday)