
10 Toneladang Cardava Banana mula Maguindanao, Dinala sa Davao para sa Export-Quality na Pagproseso

COTABATO CITY (Ika-1 ng Hulyo, 2025)— Sa pamamagitan ng MAFARLENGKE EXPRESS Program ng Ministry of Agriculture, Fisheries and Agrarian Reform (MAFAR-BARMM), katuwang ang Ministry of Trade, Investments and Tourism (MTIT-BARMM), matagumpay na naihatid ang 10 tonelada (10,000 kilo) ng Cardava banana noong ika-26 ng Hunyo sa SEES International Food Manufacturing Corporation sa Barangay Budbud, Bunawan, Davao City.
Ang mga saging ay nagmula sa mga magsasaka mula sa Sultan sa Barongis at South Upi, Maguindanao del Sur. Bunga ito ng serye ng mga konsultasyon at online na pagpupulong kasama si Ruben See, isang pribadong negosyanteng nagpahayag ng interes na tumulong sa mga magsasaka ng Bangsamoro. Mismong nag-inspeksyon din ang mga opisyal sa mga lugar kung saan sagana ang produksyon ng saging sa Maguindanao at Lanao del Sur.
Kasama sa paghatid ng saging sina Guiadsali Salim, isang dating combatant na ngayon ay lider na ng mga banana farmer, at Tirso Sarin mula sa South Upi. Nagkaroon sila ng pagkakataong personal na makita ang proseso ng paggawa ng banana chips sa planta ni See.
Ang mga saging ay ipoproseso bilang banana chips at ilalagay sa packaging na angkop para sa eksportasyon, partikular sa Japan, bilang bahagi ng pagbebenta sa pandaigdigang merkado.
Kasunod ng tagumpay na ito, planong magsagawa ng mga panibagong konsultasyon sa mga stakeholder para sa posibilidad na magpatayo ng sariling banana chips processing facility sa Maguindanao. Layunin nito na bigyan ng mas mataas na kita ang mga lokal na magsasaka at magkaroon sila ng mas tiyak at matatag na merkado para sa kanilang ani.
Bilang bahagi ng pagpapatibay sa ugnayan, isusulat din ang isang Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng mga magsasaka, ni Ruben See, MTIT, at MAFAR upang maging pormal ang kanilang partnership at matiyak ang isang sustainable at inklusibong agribusiness collaboration para sa hinaharap. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)