MENRE, Pinarangalan ng Government Website Excellence Award sa BARMM ICT Summit

(Litrato mula sa Ministry of Environment, Natural Resources, and Energy – BARMM)

COTABATO CITY (Ika-27 ng Hunyo, 2025)— Muling kinilala ang Ministry of Environment, Natural Resources, and Energy (MENRE) sa larangan ng digital governance matapos tanghalin bilang natatanging tumanggap ng Government Website Excellence Award 2025 sa ika-4 na Bangsamoro ICT Summit na ginanap noong ika-24 hanggang ika-25 ng Hunyo sa Cotabato City.

Sa pangunguna ni Minister Akmad A. Brahim, patuloy na nangunguna ang MENRE sa paggamit ng makabagong teknolohiya para sa mas bukas, malinaw, at makataong komunikasyon sa mga mamamayan ng Bangsamoro.

Ito na ang ikalawang sunod na taon na tumanggap ng nasabing parangal ang MENRE, na lalo pang nagpapatibay sa reputasyon nito bilang huwaran ng digital innovation sa rehiyon.

Ang parangal ay tinanggap ng Information and Communications Division (ICD) ng MENRE—ang yunit na responsable sa regular na pagpapaganda, pagdisenyo, at pagpapanatili ng opisyal na website ng ahensya.

Ang Government Website Excellence Award ay ibinibigay sa mga ahensyang may natatanging inisyatiba sa paggamit ng digital technology upang mapabuti ang serbisyo-publiko at mga operasyon sa loob ng kanilang tanggapan.

Ang pagkilalang ito ay bahagi ng pagdiriwang ng BARMM ICT Month na may temang “Connected Bangsamoro: One Region, One Digital Future”. Pinangunahan ito ng Bangsamoro Information and Communications Technology Office (BICTO) sa ilalim ng Tanggapan ng Punong Ministro.

Ayon sa MENRE, patuloy nilang palalawakin ang kanilang pagsisikap sa digital governance upang mas mailapit sa mamamayan ang mga serbisyong pangkalikasan at impormasyon. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Previous post IPs Engage in Dialogue for Camps Transformation Efforts
Next post MENRE Supports Tree Planting and Growing Activity in Camp Iranon, MDN