OOBC, Tinalakay ang Isyu ng Edukasyon at Serbisyo para sa Outside Bangsamoro Communities

COTABATO CITY (Ika-26 ng Hunyo, 2025) – Muling isinagawa ang “Bangsamoro Ka, Saan Ka Man” Season 2, isang talk show program na inilunsad ng Office for Other Bangsamoro Communities (OOBC), upang talakayin ang mga isyu at hamon na kinakaharap ng mga Bangsamoro na naninirahan sa labas ng teritoryo ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Ang programa ay ginanap sa Bangsamoro Multimedia Network Inc. (BMN) sa Datu Mukamad Road, Brgy. Datu Balabaran, noong Miyerkules, Hunyo 26.
Layunin ng nasabing talk show na magsilbing plataporma upang mailahad ang mga karanasan, pangangailangan, at suliranin ng mga Bangsamoro communities na nasa labas ng saklaw ng BARMM, na kilala rin bilang “outside Bangsamoro communities.”
Ayon kay OOBC Secretary Director Ramla Manguda, isa sa mga pangunahing hamon na kanilang natukoy sa kanilang mga pagbisita sa iba’t ibang komunidad ay ang limitadong access ng mga Bangsamoro sa mga programa at serbisyo ng pamahalaang Bangsamoro.
Ibinahagi ni Manguda na habang nagsasagawa sila ng mga field activities at konsultasyon kasama ang kanilang team, napansin nila na maraming Bangsamoro na naninirahan sa labas ng rehiyon ang nahihirapang makipag-ugnayan sa BARMM.
“Isa sa mga hamon na nakikita namin sa ground habang nandoon ang aming team ay kung paano nila maa-access ang BARMM. Nahihirapan silang malaman kung paano nila mahahanap o makokontak ang BARMM at kung paano sila makakakonekta sa mga programa ng pamahalaan,” ani Manguda.
Dagdag pa niya, mahalagang maiparating sa mga komunidad na ito ang impormasyon tungkol sa mga serbisyo at programang iniaalok ng BARMM upang mas mapalapit ang pamahalaan sa mga Bangsamoro na nasa labas ng rehiyon.
Samantala, ibinahagi naman ni OOBC Development Management Officer I Habiba Abunawas na, batay sa kanyang obserbasyon, ang kakulangan ng mga serbisyo—partikular sa larangan ng edukasyon—ay isa sa mga pangunahing suliraning kinakaharap ng mga Bangsamoro sa outside territories.
Ayon kay Abunawas, marami sa mga kabataang Bangsamoro na nasa labas ng BARMM ang may interes na makapagpatuloy ng kanilang pag-aaral, ngunit nahaharap sila sa limitadong oportunidad at kakulangan ng access sa scholarship programs.
“Batay sa aking obserbasyon sa outside territory ng BARMM, ang pangunahing problema ay kakulangan sa serbisyo at limitadong access sa edukasyon, lalo na pagdating sa mga scholarship,” paliwanag niya.
Bukod sa usapin ng edukasyon, binigyang-diin din sa talakayan ang iba pang hamon na kinakaharap ng mga Bangsamoro communities sa labas ng rehiyon, kabilang ang kabuhayan at serbisyong pangkalusugan.
Ayon kay OOBC Information Officer Omulheir Noddin, isa sa mga madalas na tanong ng mga estudyanteng Bangsamoro na nasa labas ng BARMM ay kung paano sila makakakuha ng scholarship mula sa pamahalaang Bangsamoro.
“Maraming estudyante mula sa outside BARMM ang gustong makapag-avail ng scholarship programs ng BARMM. Ang tanong nila ay paano, saan, at sino ang kanilang lalapitan,” aniya.
Bukod dito, binanggit din niya ang pangangailangan ng mga komunidad sa mga programang pangkabuhayan o livelihood programs.
Bagamat may mga tulong na nagmumula sa mga provincial government, lokal na pamahalaan, at mga non-government organizations na nakikipag-ugnayan sa mga komunidad, marami pa ring Bangsamoro ang umaasa na direktang makatanggap ng serbisyo mula sa pamahalaan ng BARMM.
Sa larangan naman ng kalusugan, sinabi rin na marami sa mga Bangsamoro sa labas ng rehiyon ang nahihirapang malaman kung saan sila maaaring lumapit para sa mga serbisyong medikal o tulong mula sa pamahalaan.
Ang programang “Bangsamoro Ka, Saan Ka Man” ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng OOBC na palakasin ang ugnayan ng pamahalaang Bangsamoro sa mga Bangsamoro communities na nasa labas ng teritoryo ng BARMM. Sa pamamagitan ng mga ganitong talakayan at programa, layunin ng ahensya na mapalawak ang kaalaman ng mga komunidad tungkol sa mga serbisyong maaari nilang ma-access at mabigyan ng boses ang kanilang mga karanasan at pangangailangan.
Inaasahan din na sa pamamagitan ng mga konsultasyon at diskusyong tulad nito ay makabuo ng mga hakbang at programa na tutugon sa mga pangangailangan ng mga Bangsamoro communities sa iba’t ibang bahagi ng Bangsamoro government, kahit na sila ay nasa labas ng pormal na saklaw ng rehiyon ng BARMM. (Alimudin K. Kadatuan, Hannan G. Ariman at Noron M. Rajabuyan, BMN/ BangsamoroToday)