MIPA, Nagsagawa ng Orientation para Palakasin ang mga Katutubo sa Pagprotekta, Pagsulong, at Pagpapatupad ng Kanilang Karapatan

(Litrato mula sa MIPA-BARMM)

COTABATO CITY (Ika-25 ng Hunyo, 2025) — Matagumpay na isinagawa ng Ministry of Indigenous Peoples’ Affairs (MIPA), sa pamamagitan ng Special Public Assistance and Legal Aid Division (SPALAD) sa pangunguna ni Minister Melanio U. Ulama, ang isang orientation session para sa mga katutubong mamamayan noong ika-24 ng Hunyo sa Sitio Santa Fe, Looy, South Upi. Dinaluhan ito ng 56 na pinuno at nakatatanda mula sa mga tribong Teduray at Lambangian.

Layunin ng aktibidad na ito na mabigyan ng kaalaman ang mga kalahok ukol sa kanilang mga pangunahing karapatan sa ilalim ng Bangsamoro Indigenous Peoples’ Act (BIPA). Ipinaliwanag rin dito ang kahalagahan ng nalalapit na parliamentary elections para sa dalawang reserved seats ng mga Non-Moro Indigenous Peoples (NMIP), at tinalakay ang RA 11596, isang batas na nagbabawal sa child marriage o maagang pag-aasawa.

Bukod dito, pinaliwanag din sa orientation ang mga legal na paraan na maaaring gamitin kung sakaling malabag ang kanilang mga karapatan. Binigyan din ng pagkakataon ang mga kalahok na ihayag ang kanilang mga saloobin at tanong tungkol sa legal na tulong at proseso ng paghain ng reklamo.

Sa kanyang panimulang pananalita, sinabi ni Minted sa Inged, Timuay Allan Olubalang, na Ang aktibidad na ito ay nagsisilbing mahalagang plataporma para sa mga katutubong pamayanan upang mas mapalalim ang kanilang kaalaman sa kanilang mga karapatan sa ilalim ng Bangsamoro Indigenous Peoples Act (BIPA).

Mahalaga ang ganitong mga gawain upang mapalakas ang mga katutubo sa paggiit ng kanilang mga karapatan at aktibong makilahok sa mga prosesong pang-gobyerno na may epekto sa kanilang pamumuhay.

Samantala, sa kanyang mensahe ng suporta, sinabi ni Barangay Captain Arnel Aron na Buo ang suporta ng barangay sa pagkilala at pagtataguyod sa karapatan ng mga katutubong mamamayan gaya ng nakasaad sa BIPA. Sisiguraduhin ng aming pamahalaang barangay na maisasakatuparan ang mga probisyong naglalayong pangalagaan ang kultura at lupang ninuno ng mga katutubo.

Sa pamamagitan ng ganitong mga aktibidad, patuloy na isinusulong ng MIPA ang layunin nitong bigyan ng lakas at kaalaman ang mga katutubo upang maprotektahan, maisulong, at maisakatuparan ang kanilang mga karapatan bilang mahalagang bahagi ng Bangsamoro region. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Previous post Various Organizations in Istanbul Meet with MILF Chairman Al-Haj Murad
Next post Project TABANG, Pinarangalan ng 2025 Digital Governance Award ng Bangsamoro ICT Office