
BARMM Chief Minister Macacua, Nagpasalamat sa Pagbisita ni Pangulong Marcos Jr. sa Marawi City

Macacua)
COTABATO CITY (Ika-24 ng Hunyo, 2025) — Sa pagbisita ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at pagtutok sa Dansalan Integrated School sa Marawi City ay lubos ang pasasalamat ni BARMM Chief Minister Abdulraof A. Macacua na pagpapakita sa pagpapalakas ng mga proyekto sa rehiyon kabilang ang dekalidad na edukasyon para sa kinabukasan ng Bangsamoro.
“Para sa atin sa Bangsamoro, ang edukasyon ay susi sa kapayapaan, at ang kapayapaan ang siyang magsisilbing matibay na pundasyon ng BARMM. Sa tulong ng ating mga partners mula sa national government, sama-sama nating itinatayo hindi lamang ang mga gusali, kundi pati na ang kinabukasan ng mga kabataang Bangsamoro,” mensahe ni Chief Minister Macacua.
Ang proyektong ay may sampung apat-na-palapag na gusali para sa halos 10,000 mag-aaral ay simbolo anya ng muling pagbangon ng Marawi City.
Samantala, suportado rin ni Chief Minister Macacua ang ideya ni Pangulong Marcos Jr. na magpatayo ng karagdagang ports sa paligid ng Lake Lanao.
“Sa ilalim ng Moral Governance, ang bawat project ay dapat tumutugon sa tunay na pangangailangan ng ating kababayan. Ang bagong port na ito ay magsisilbing tulay, hindi lamang sa pangangalakal kundi pati sa pagbangon at pag-asa,” dagdag nito.
At “bilang Chief Minister, I fully welcome and support the directive of President Ferdinand R. Marcos Jr. to open the Marawi City General Hospital a month earlier than scheduled,” wika naman ni Chief Minister Macacua sa napipintong pagbubukas ng Marawi City General Hospital.
Sabi pa nito, “This is a clear signal that healing and progress can’t wait. Sa mga lugar na gaya ng Marawi, kung saan ang sugat ng nakaraan ay sariwa pa rin, ang ganitong klaseng agarang aksyon ay napakahalaga.”
Anya, sila sa Bangsamoro Government ay nanatili at nakatuon ang adhikain na ilapit ang mahahalagang serbisyo sa mamayang Bangsamoro. (Tu Alid Alfonso, BMN/BangsamoroToday)