
MHSD at MP Sema, Nagpulong Upang Tukuyin an Prayoridad na Polisiya at Estratehiya ng Ahensya

COTABATO CITY (Ika-31 ng Mayo, 2025) — Isang matagumpay ang unang pagpupulong na isinagawa sa pagitan ng Ministry of Human Settlements and Development (MHSD), ang pangunahing ahensya sa pabahay ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), at ni MP Romeo K. Sema, DPA, ang bagong talagang tagapangulo ng Komite sa Human Settlements and Development sa Bangsamoro Parliament. Ginanap ang pagpupulong sa opisina ni MP Sema sa Sinsuat Avenue, Cotabato City noong ika-27 ng Mayo.
Pinangunahan ng Director General (DG) ng MHSD na si Esmael W. Ebrahim ang delegasyon ng Ministry, kasama ang mga hepe at pinuno mula sa iba’t ibang dibisyon at seksyon ng ahensya.
Ayon sa MHSD, layunin ng pagpupulong na ito na ipabatid nang direkta kay MP Sema ang mga pangunahing polisiya, programa, proyekto, isyu, at pangangailangan ng Ministry na nangangailangan ng agarang aksyon at suporta.
Ibinahagi ni DG Ebrahim na kinakailangan ang mas malaking pondo ngayong taon at sa mga susunod pa upang tugunan ang malaking kakulangan sa pabahay sa rehiyon, na tinatayang nasa 315,000 housing units.
Bilang tugon sa tanong ni Kamaludin Laguiab, Jr., Chief of Staff ni MP Sema, sinabi ni DG Ebrahim na mahalaga rin ang benchmarking o pag-aaral sa mga matagumpay na proyekto sa pabahay upang mapabuti pa ang implementasyon sa Bangsamoro.
Dagdag pa ni DG Ebrahim, hiniling din niya na maisama ang MHSD sa Technical Working Group (TWG) para sa planong paglilipat ng regional government seat ng BARMM mula Cotabato City patungong Parang, Maguindanao del Norte.
Hiling din ng MHSD ang suporta para makabuo ng isang polisiya na magbibigay kapangyarihan sa Ministry na makipag-ugnayan sa mga ahensyang nagsasagawa ng mga proyektong pabahay at real estate sa rehiyon.
Bago matapos ang pagpupulong, tiniyak ni MP Sema ang kanyang suporta sa mga panukala ng MHSD.
Pinaalalahanan din ni MP Sema ang Ministry na maging handa sa pagpasok ng mga mamumuhunan sa rehiyon, at tiyaking may sapat na lupang maaaring tayuan ng mga proyektong pabahay.
Dagdag pa niya, Mahalaga ring bigyang-pansin ang mga magkakapatong na proyekto sa pabahay ng iba’t ibang ahensya sa loob ng BARMM. Inaasahan ang isang follow-up meeting sa mga susunod na araw upang mas mapabuti pa ang koordinasyon sa pagitan ng MHSD at ni MP Sema. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)