
MSSD, Naghatid ng Agarang Tulong sa Al-Barka,Basilan Evacuees

COTABATO CITY (Ika-30 ng Mayo, 2025) —Namahagi ng tulong ang Ministry of Social Services and Development (MSSD) sa mga pamilyang naapektuhan ng armadong labanan sa Barangays Look Bisaya at Sangkahan sa bayan ng Al-Barka noong ika-26 hanggang ika-27 ng Mayo.
Umabot sa 143 pamilya ang nakatanggap ng 25 kilo ng bigas at mga food pack na may lamang de-lata at instant coffee. Samantala, 24 pamilya na nawalan ng tirahan o nasira ang bahay ay binigyan naman ng non-food items tulad ng family hygiene kits, individual hygiene kits, Early Childhood Care and Development (ECCD) kits, cleaning kits, at jerry cans.
Ang pamimigay ng ayuda ay bahagi ng Emergency Relief Assistance Program ng MSSD sa ilalim ng Disaster Response Management Division. Layunin nitong agad na matulungan ang mga komunidad sa Bangsamoro na naapektuhan ng mga sakuna, natural man o gawa ng tao.
Ang distribusyon ay isinagawa ng MSSD Basilan Coordinating Office sa pakikipagtulungan sa Provincial Local Government Unit (PLGU) ng Basilan. (Hasna U. Bacol,BMN/BangsamoroToday)