
MENRE, Nakilahok sa Pambansang Workshop ukol sa Ramsar Resolutions

COTABATO CITY (Ika-21 ng Mayo, 2025) — Lumahok ang Ministry of Environment, Natural Resources, and Energy (MENRE) ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa isinagawang Formulation of Philippine Positions on Selected Draft Ramsar Resolutions noong ika-14 hanggang ika-16 ng Mayo sa Quezon City.
Ang Ramsar Convention on Wetlands ay isang pandaigdigang kasunduan para sa pangangalaga at tamang paggamit ng mga Ramsar site o mga “wetland” (lupang-basa o latian). Sa loob ng tatlong araw, tinalakay ng mga eksperto at tagapagpatupad mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang mga mungkahing resolusyon na ihaharap sa susunod na pagpupulong ng Ramsar Convention. Layunin nitong magkaroon ng iisang paninindigan ang Pilipinas na sumasalamin sa parehong pambansang prayoridad at mga lokal na pangangailangan.
Isa sa mga tinalakay ay ang pagpapatibay ng talaan ng mga wetland sa bansa at ang pagsasama ng katutubong kaalaman sa pamamahala ng mga ito.
Kinatawan ng MENRE na si Joeffry L. Kamid, Chief ng Protected Area Management Division (PAMD) sa ilalim ng Biodiversity, Ecosystems, Research and Development Services (BERDS). Ang kanyang paglahok ay patunay ng lumalawak na papel ng MENRE sa paghubog ng pambansang patakarang pangkalikasan, lalo na sa pagtataguyod ng natatanging mga wetland ecosystem sa Bangsamoro region.
Sa workshop, nagbigay ng puna ang mga kalahok, nagpahayag ng mga lokal na isyu, at nagmungkahi ng mga pagbabago sa mga draft na resolusyon. Ayon sa MENRE ang lahat ng ideyang nakalap ay pagsasamahin at isasaayos upang making opisyal na posisyon ng Pilipinas para sa nalalapit na Ramsar Convention.
Sa pamamagitan ng mga bagong kaalaman at pakikipag-ugnayan, muling pinagtibay ng MENRE ang kanilang pangako sa pangangalaga at pamamahala ng mga inland wetland sa rehiyon ng Bangsamoro. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)