
MBHTE Nagsusulong ng Reporma sa Edukasyon sa DAPAT 2025 Review

COTABATO CITY (Ika-20 ng Mayo, 2025) Nakiisa ang Ministry of Basic, Higher and Technical Education (MBHTE) sa isinagawang 2025 Directives, Accomplishment, and Performance Assessment Tracking (DAPAT) meeting noong ika-16 ng Mayo katuwang ang Ministry of Finance, and Budget and Management (MFBM) para mapabuti ang pamamahala at paghahatid ng serbisyong edukasyon sa rehiyon ng Bangsamoro.
Ang DAPAT ay isang mahalagang mekanismo upang masuri ang pisikal at pinansyal na performance ng mga ahensya at makilala ang mga hamon sa implementasyon. Layunin nitong maitama at maiayon muli ang mga plano sa mga prayoridad ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Pinangunahan ni Senior Minister Mohammad Yacob ang sesyon, kasama sina BARMM Cabinet Secretary Mohammad Asnin Pendatun, Chief of Staff Jamel Macacua, MFBM Minister Ubaida Pacasem, at Mr. Palawan Mamaon ng SPDA-BPDA.
Ipinakita ni MBHTE Minister Mohagher Iqbal at mga opisyal mula sa iba’t ibang sangay ng edukasyon ang mga update at tagumpay ng mga pangunahing programa ng ministeryo—kabilang na ang Basic Education, Higher Education, Madaris Education, Technical-Vocational Education and Training (TVET), at Teacher Development. Tinalakay rin ang mga kasalukuyang problema at mga repormang kailangang unahin.
Isa sa mga sentro na tinalakay ang pagpapalakas ng kalidad ng edukasyon, pagpapataas ng bilang ng mga estudyanteng nagtutuloy-tuloy sa pag-aaral, at pag-angat ng enrollment rate. Tinalakay rin ang mga suliraning tulad ng pagkaantala sa scholarship grants at suweldo ng mga guro. Binanggit ng MBHTE ang mga problema sa sistema ng payroll at ang pangangailangang maging mas epektibo at maagap dito.
Itinampok din ng ministeryo ang lumalaking pangangailangan sa edukasyon dahil sa patuloy na pagdami ng populasyon ng mag-aaral sa rehiyon. Dahil dito, binigyang-diin ang kahalagahan ng pagpapalawak ng mga pasilidad, pagdagdag ng mga guro at staff, at pagbibigay ng sapat na suporta.
Nagkaisang binigyang-diin ng mga lumahok sa pulong ang mahalagang papel ng edukasyon sa pagsusulong ng kapayapaan, kaunlaran, at pagkakapantay-pantay sa lipunan sa BARMM. Muling pinagtibay ng MBHTE ang kanilang matatag na paninindigan na maghatid ng edukasyong inklusibo, abot-kaya, at de-kalidad para sa bawat Bangsamoro learner. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)