
MAFAR, Naglunsad ng Pagsasanay para sa CLAD MIS upang Palakasin ang Digital Governance

COTABATO CITY (Ika-15 ng Mayo, 2025) — Nagsagawa ang Ministry of Agriculture, Fisheries, and Agrarian Reform (MAFAR) ng dalawang araw na pagsasanay tungkol sa Land Acquisition and Distribution (LAD) Database Management and Supervision noong ika-8 hanggang ika-9 ng Mayo sa General Santos City. Ang pagsasanay ay nakatuon sa pagbuo ng Comprehensive Land Acquisition and Distribution Management Information System (CLAD MIS).
Lumahok dito ang hindi bababa sa 30 kalahok mula sa mga tanggapan ng MAFAR sa rehiyon at mga probinsya, partikular sa mga sangay na tumutok sa Agrarian Reform.
Pinangunahan ang inisyatiba ni Director Tong D. Pinguiman, Ph.D, Director II ng Agrarian Reform Support Services. Ayon sa kanya, mahalaga ang pagsasanay na ito upang mapalakas ang tamang pamamahala ng datos, mapabuti ang pangangasiwa sa mga gawain sa field, at matiyak ang mabilis, tapat, at epektibong serbisyo.
“Accurate data management is key to the success of this initiative. With reliable data, the system can provide dependable information, essential for the effective implementation of agrarian reform in the Bangsamoro region,” ani Dir. Pinguiman.
Ang programa ay pinangunahan at tinasa ni Engr. Jener Urlindo C. Bacuyag, Chief Information Technology Officer mula sa IT Support Division ng DAR-MISS.
Aniya, “Once we have the process flow and the information that we need, then we will see how we can build the whole system,” at binigyang-diin niya na ang maayos na pagpaplano ng datos at proseso ang pundasyon ng matagumpay na system development. Dagdag pa niya, layunin din ng sistema na gawing mas komprehensibo ang mga ulat para mapabuti ang kalidad ng impormasyong nililikha.
Kasama rin sa workshop ang pagtalakay sa kabuuang daloy ng LAD process at ang presentasyon ng naunang disenyo ng CLAD MIS na inilahad ni Jarratul S. Radjid, MPA, CARPO ng LAD Division.
Hinimok ni CARPO Radjid ang mga kalahok na lubos na unawain ang pinagmulan at kabuuan ng proseso upang mas ma’ pahalagahan at mapahusay ang sistema sa hinaharap.
Sa pagtatapos ng aktibidad, muling pinagtibay ang layunin ng BARMM sa pagpapalakas ng digital governance. Ang CLAD MIS ay nakikitang magiging haligi ng pagiging bukas, responsable, at makataong serbisyo tungo sa tunay na reporma sa lupa. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)