
Benepisyaryo ng Sustainable Livelihood Program, Ipinakita ang Kanilang Local na Produkto sa Trade Fair

COTABATO CITY (Ika-8 ng Mayo, 2025) — Sa pagdiriwang ng ika-123 Araw ng Paggawa, nakiisa ang mga benepisyaryo ng Sustainable Livelihood Program (SLP) ng Ministry of Social Services and Development (MSSD) sa ginanap na “Pagsisiyahan ng Kalakalan” trade fair noong ika-1 ng Mayo sa Convention Center, City Mall of Cotabato, Governor Gutierrez Avenue dito sa Lungsod.
Dinaluhan ito ng mga manggagawa mula sa iba’t ibang ahensya at sektor sa buong Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) bilang pagkilala sa kanilang sipag at tiyaga.
Nagpakita ng kanilang mga lokal na produkto ang mga benepisyaryo ng SLP mula sa Cotabato City at Lalawigan ng Maguindanao. Ayon sa MSSD, layunin ng kanilang pagsali na ipakilala ang kanilang kabuhayan at palawakin ang merkado ng kanilang mga produkto.
Naging magandang pagkakataon ito para suportahan ang mga lokal na negosyo at palaguin pa ang kabuhayan ng mga komunidad, na siyang makatutulong sa pag-unlad ng ekonomiya at pamumuhay.
Patuloy ang MSSD sa pagbibigay ng suporta at oportunidad sa kanilang mga benepisyaryo para maitaguyod ang kabuhayan at makilala ang kanilang mga pagsisikap sa buong rehiyon ng Bangsamoro. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)