Advertisement Section
Header AD Image

Tuloy ang Rebolusyon: Mula Bala hanggang Balota

MOHAGHER M. IQBAL, the Vice President for Central Mindanao United Bangsamoro Justice Party (UBJP) MILF General Assembly and UBJP Miting de Avance, Camp Darapanan, Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte, BARMM May 7, 2025. (Litrato kuha ni Tu Alid Alfonso, BMN/BangsamoroToday)

Assalamu alaykum wa rahmatullahi ta’ala wa barakatuhu.

Mga kapatid ko sa MILF, mga kasama sa jihad, mga kasapi ng UBJP, at minamahal kong mamamayan ng Bangsamoro:

Ngayong araw, hindi lamang tayo nagtipon para sa kampanya.

Tayo ay nagtipon bilang mga tagapagmana ng isang sagradong katungkulan na palayain ang Bangsamoro sa lahat ng pang-aapi.

Narito tayo ngayon dahil ang ating pakikibaka, ang ating jihad ay hindi natapos sa paglagda sa CAB. Hindi ito natapos sa pagpasa ng BOL. Hindi ito natapos sa pagtatatag ng BTA. Dahil hindi ito matatapos hangga’t hindi natin nakakamit ang isang makatarungan, inklusibo, at maunlad na pamahalaan—mula sa Bangsamoro, para sa Bangsamoro.

Dahil dito, madiin nating pinapa-alala sa gobyerno na hayahan tayong malayang pumili ng mga lider na mamuno sa atin. Ito ay pinaka boud ng tunay na autonomiya ipinag-kaloob sa Bangsamoro People ng batas ng BOL.

Mga kapatid, ang halalan ngayon ay ang bagong larangan ng laban. Hindi na tayo humahawak ng armas. Ang ating sandata ngayon ay ang balota, hindi na bala..

Ang UBJP ay hindi karaniwang partido. Ito ang pulitikal na anyo ng matagal na pakikibaka ng MILF para sa sariling pagpapasya (self determination). Ito ang pagpapatuloy ng ating nasimulang layunin—ngunit ngayon ay sa landas ng kapayapaan at demokrasya.

Huwag nating kalimutan: ang UBJP ay isinilang hindi dahil sa ambisyon, kundi dahil sa pananagutan natin sa Bangsamoro. Hindi tayo naghangad ng kapangyarihan para sa pansariling kapakinabangan. Nais nating makamtan ang bisyon na matagal na nating ipinaglaban-isang malayang Bangsamoro na pinamumunuan nang may hustisya, ginagabayan ng Islam, nakaugat sa ating pagkakakilanlan, at nakatuon sa kabutihang panlahat.

Mahalaga ang halalan na ito.
Dahil kung hindi natin makuha ang tiwala ng ating mamamayan, maaaring mawala ang sigla ng mga tagumpay ng kapayapaan.
Madaring maantala, o mas malala pa, masira ang pagpapatupad ng kasunduang pangkapayapaan, ang normalisasyon, at ang buong transisyon tungo sa tunay na awtonomiya. Baka masayang ang lanat.

Tayo ay nasa isang kritikal na yugto ng ating kasaysayan. Ang ating mga desisyon ngayon ay huhubog sa kinabukasan ng susunod na henerasyon ng Bangsamoro. Pahihintulutan ba natin na ang ating mga tagumpay ay malusaw ng trapong pulitika? O tayo ba ay titindig, magkaisa sa iisang bandila, at isakatuparan ang ating sama-samang pangarap?

Sa puntong ito, hayaan ninyong balikan natin ang mga salita ng ating mahal na pinuno na si Sheikh Salamat Hashim (rahimahullah):

“Ang aming armadong pakikibaka ay hindi para sa digmaan. Ito ay para sa katarungan, para sa karapatan ng Bangsamoro na mamuhay nang may dignidad ayon sa aming pananampalataya, pagkakakilanlan, at mga mithiin.”

Ang mga salitang ito ay hindi lamang para sa mga panahon ng digmaan. Ginabayan din tayo nito sa panahong ito-na ang laban ay nasa balota na, at ang sandata ay ang pasya ng taumbayan.

Mga kapatid, ang ating mamamayan ay nakamasid. Ang buong bansang Pilipinas ay nakamasid. At ang kasaysayan ay naghihintay.

Noon, iginigiit natin ang atonomiya sa pamamagitan ng armadong pakikibaka. Ngayon, kailangan natin itong ipagtanggol sa pamamagitan ng eleksyon. Noon, ipinaglaban natin ang karapatan sa sariling pamumuno. Ngayon, kailangan nating patunayan na kaya natin itong gampanan nang may pananagutan.

Ito ang dahilan kung bakit hindi lang boto ang hinihingi ng UBJP.

Ang hinihingi namin ay tiwala. Paninindigan. Pananampalataya na ang ating sinimulan ay ating matatapos-nang sama-sama.

Alam namin: hindi madali ang hamon. Ang pagbabagong gusto nating makamit-para sa isang rehiyong dekadang naisantabi at winasak ng giyera-ay hindi kayang gawin sa isang gabi. Ngunit higit pa riyan ang ating dinaanan. At tayo’ y nanatili.

Narito tayo hindi dahil tayo’y perpekto. Narito tayo dahil tayo’ y handang managot. Hindi tayo narito upang mangibabaw. Narito tayo upang maglingkod. At kami’y handang makinig, matuto, at mamuno nang may kababaang-loob.

Maging malinaw tayo: ang halalang ito ay hindi lang tungkol sa pag-upo sa puwesto. Ito ay tungkol sa pagtatatag ng matibay na pundasyon ng bagong Bangsamoro. Ito ay tungkol sa pagpapakita sa sambayanang Pilipino na ang landas ng kapayapaan ay gumagana. Na ang Bangsamoro ay kayang pamunuan ang sarili, at maging katuwang sa kapayapaan at kaunlaran ng buong bansa.

Sa mga nakatatanda, sa mga mujahideen, sa mga ina at ama ng rebolusyon: pinararangalan namin kayo sa pagpapatuloy ng mga binhing inyo nang itinanim-upang mamunga ng dangal at kapayapaan.

At sa lahat ng ating tagasuporta-mula sa iba’t ibang tribo, isla, at henerasyon-magkaisa tayo. Isang kilusan. Isang pakikibaka. Isang Bangsamoro.

Gawin nating tagumpay ang halalang ito-hindi lamang upang makaupo, kundi upang makaukit ng ating karapatan sa kasaysayan.

Nawa’y gabayan tayo ni Allah sa bagong yugto ng ating paglalakbay. Nawa’y pagpalain Niya ang ating pagkakaisa, linisin ang ating layunin, at patatagin ang ating paninindigan.

Wassalamu alaykum wa rahmatullahi wa barakatuh.

MOHAGHER M. IQBAL
Vice President for Central Mindanao
United Bangsamoro Justice Party (UBJP)
MILF General Assembly and UBJP Miting de Avance, Camp Darapanan, Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte, BARMM
May 7, 2025

#UBJP #MILFgeneralassembly #election2025 #Bangsamoro #BARMM #Philippines

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Previous post Jamiat Covered Court Pormal ng Natapos sa Tulong ng TDIF 2023 mula kay MP Sema
Next post MHSD at Al-Amanah Bank, Lumagda ng Kasunduan para sa Islamic Banking at Financial Education