
MILF-AHJAG, Muling Nagpahayag ng Suporta sa Kapayapaan Para sa Halalan 2025

COTABATO CITY (Ika-2 ng Mayo, 2025) — Bilang bahagi ng paghahanda para sa nalalapit na National at Local Elections sa ika-12 Mayo, muling pinagtibay ng MILF Ad-Hoc Joint Action Group (AHJAG) sa pangunguna ni Chair Anwar S. Alamada ang kanilang paninindigan para sa mapayapang halalan.
Nilagdaan ng MILF-AHJAG ang dokumentong pinamagatang “Guidelines for Mutual Understanding between the Coordinating Committees on the Cessation of Hostilities (CCCH) and Ad-Hoc Joint Action Group (AHJAG) of the GPH-MILF for Ceasefire-Related Functions During the May 12, 2025 National and Local Elections” noong ika-29 ng Abril, sa Camp Darapan, Crossing Simuay, Sultan Kudarat.
Layunin ng kasunduang ito na pagtibayin ang koordinasyon ng mga peace mechanism ng gobyerno at MILF upang masiguro ang katahimikan at kaayusan habang isinasagawa ang halalan.
Kasabay rin ng aktibidad ang pormal na paglulunsad ng Quick Response Team (QRT) ng GPH-MILF Peace Mechanism na tutugon agad sa anumang insidente na maaaring makasira sa kapayapaan sa panahon ng eleksyon.
Dumalo sa nasabing aktibidad ang mga pangunahing lider ng mga peace mechanism tulad nina, MP Butch P. Malang, Chair, MILF CCCH , PMGen Romaldo G. Bayting, Chair, GPH AHJAG , BGen Patricio Ruben Amata, Chair, GPH CCCH
Kasama dito ang kinatawan mula sa COMELEC at sektor ng seguridad gaya nina PBGen Romeo G. Macapaz, RD, PRO BAR, MGen Donald Gumiran, Commander, JTFC/6ID, LTGen Antonio Nafarrete, ComWestMinCom.
Kinatawan naman ni MP Mohagher Iqbal, Chair ng MILF Peace Implementing Panel, si Dating MP Eddie M. Alih, habang dumalo rin si PA Cesar Yano, Chair ng GPH Peace Implementing Panels upang magbigay ng gabay sa aktibidad.
Ang MILF-AHJAG ay nananatiling matatag sa layunin nitong pangalagaan ang mga bunga ng peace process at tumulong upang magkaroon ng ligtas at kapanipaniwalang eleksyon. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)