Advertisement Section
Header AD Image

$4.7M Proyekto Inilaan ng MAFAR at FAO para sa Masaganang Pangingisda sa BARMM

(Litrato mula sa MAFAR-BARMM)

COTABATO CITY (April 30, 2025) — Naglaan ang Ministry of Agriculture, Fisheries, and Agrarian Reform (MAFAR) ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ng $4.7 milyon para sa isang proyekto na magpapaunlad sa sektor ng pangingisda at aquaculture sa rehiyon. Ito ay sa pakikipagtulungan sa Food and Agriculture Organization of the United Nations (FAO) at sa Pamahalaan ng Japan.

Inilunsad ang proyekto, na pinamagatang “Development of Sustainable Fishery Value Chains in BARMM,” noong Huwebes sa Bajau Hall ng Tanggapan ng Punong Ministro. Layunin nitong mapabuti ang mga sistema ng pagkain mula sa tubig sa pamamagitan ng pagtataguyod ng matatag, pantay-pantay, at napapanatiling mga pamamaraan. Nakapaloob ito sa 2025-2030 Development Plan ng BARMM at sa global na Blue Transformation strategy ng FAO.

Ayon kay MAFAR Minister Abunawas Maslamama, higit pa ito sa isang proyekto; ito ay isang pangako na mapabuti ang buhay ng mga mangingisda, lalo na sa mga komunidad na nangangailangan. Tutugunan ng proyekto ang mga problema tulad ng malaking pagkawala ng ani pagkatapos ng pag-aani, mahinang sistema ng pagbebenta, at limitadong access sa mga resources.

Inaasahang makikinabang ang mahigit 4,000 maliliit na mangingisda at mga magsasaka ng aquaculture sa anim na probinsya ng BARMM. Kabilang sa proyekto ang mga hatchery, aquafeed mills (kasama ang mga may halal certification), at cold chain infrastructure. Magbibigay din ito ng pagsasanay sa tamang paghawak ng ani, entrepreneurship, at biosecurity, ayon pa sa MAFAR.

Para kay Senior Minister Mohammad Yacob, dating MAFAR Minister, ang proyekto ay isang pagsasama ng seguridad sa pagkain, kabuhayan, at pantay na pamamahala. Hindi lamang ito pamumuhunan sa mga kagamitan at imprastraktura, kundi sa mga taong umaasa sa pangingisda para mabuhay.

Sinabi naman ni Dr. Lionel Dabbadie, FAO Representative sa Pilipinas, na ang proyekto ay isang halimbawa ng Blue Transformation sa mga lugar na nakaranas ng tunggalian. Naniniwala siya na sa pamamagitan ng maayos na pamamahala ng pangingisda, pagpapalawak ng sustainable aquaculture, at pagpapalakas ng mga komunidad (lalo na ang mga kababaihan at kabataan), makakabuo ang BARMM ng isang matatag na ekonomiya sa sektor ng pangingisda.

Kasama rin sa proyekto ang pagsuporta sa pagpapaunlad ng aquaculture sa mga dating kampo ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), na naglalayong gawing produktibo at mapayapa ang mga dating lugar ng tunggalian. Bibigyan din ng diin ang partisipasyon ng kababaihan at magkakaroon ng espesyal na pagsasanay para sa mga negosyong pinamumunuan nila.

Ang MAFAR, bilang katapat na ahensya ng pamahalaan ng FAO, ang mangangasiwa sa proyekto sa mga probinsya ng Basilan, Sulu, at Tawi-Tawi, at sa mga panloob na probinsya ng Maguindanao del Norte, Maguindanao del Sur, at Lanao del Sur hanggang Marso 31, 2027. Ang pondo na $4.7 milyon ay mula sa Pamahalaan ng Japan.

Para kay Minister Maslamama, ito ay isang malaking tagumpay. Ang nais pa ni Maslamama ay magkaroon ng pakikipagtulungan sa pagitan ng mga mangingisda, pamahalaan, at mga internasyonal na kasosyo upang matiyak na ang pamumuhunan ay makararating sa lahat ng komunidad at magdudulot ng masaganang, napapanatili, at makatarungang kinabukasan para sa lahat. (USM OJT Student: Melody N. Flores, BMN/Bangsamoro Today)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Previous post Aleosan, Cotabato Fully Supports Ang Tinig ng Senior Citizen Partylist #97