MBHTE, nagsagawa ng pag-aaral sa pangangasiwa ng Islamic Higher Education sa Indonesia  

(Litrato mula sa Al-Azhar University Indonesia)


COTABATO CITY
(Ika-25 ng Abril, 2025) —  Nagsagawa ng benchmarking visit sa Indonesia ang mga kinatawan ng Ministry of Basic, Higher, and Technical Education (MBHTE) upang mapataas ang kalidad ng edukasyong Islam sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) nitong buwan.

Pinangunahan nina Director General Marjuni Maddi ng Higher Education at Director General Tahir G. Nalg ng Madaris Education kasama si Director Anwar Upahm at interim Bangsamoro Kulliyyah for Islamic Studies (BKIS) President Datuan Magon Jr., ang delegasyon na nag-aral ng mga makabagong pamamaraan sa kurikulum, pagtuturo, pananaliksik, at mga serbisyong pang-extension sa mga piling institusyong pang-Islam sa Indonesia.
 
Nakipagpulong ang grupo sa mga kinatawan ng MAN Insan Cendekia Serpong at Universitas Islam Negeri, at nagresulta ito sa isang mahalagang kasunduan: ang paglagda ng Memorandum of Understanding (MOU) sa PTIQ University, ang unang unibersidad na nakatuon sa Al-Qur’an sa Indonesia.

Ayon sa MBHTE, layunin ng Memorandum of Understanding (MOU) na mapalawak ang pakikipagtulungan sa pagitan ng mga institusyon sa pamamagitan ng palitan ng mga akademiko, joint research, pagpapaunlad ng kurikulum, at mga programa sa scholarship.
 
Ipinaliwanag ni DG Maddi ang kahalagahan ng pagbisita sa pagbuo ng isang mas malakas na kurikulum para sa BKIS at sa pagsasama ng mga pag-aaral sa Islam sa iba pang mga larangan.

“We learned about the curriculum framework for BKIS and how to integrate Islamic studies across other fields, (Napakahalaga ng aming natutunan sa pagbuo ng curriculum framework para sa BKIS, pati na sa integrasyon ng Islamic studies sa iba’t ibang larangan.)” sabi nito.

Saad naman ni DG Nalg: “This supports our long-term vision under the Madrasah Education Strategic Plan, (Ito ay sumusuporta sa pangmatagalang layunin ng Madrasah Education Strategic Plan.)”
 
Napag-alaman ng BangsamoroToday na ang pagbisita ay pinondohan ng MBHTE sa tulong ng Australian Government sa pamamagitan ng Pathways at INOVASI. (USM OJT Student: Bai Onamayda P. Dilanggalen, BMN/Bangsamoro Today)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Previous post MILF’s UBJP political party announces its official candidates in Special Geographic Area
Next post COMELEC Sets Barangay and SK Elections for December 2025