OOBC Ibinahagi ang mga Tagumpay at Hamon sa Unang Semestre ng 2025

COTABATO CITY (Ika-24 ng Abril, 2025) — Ibinahagi ng Office for Other Bangsamoro Communities (OOBC) ang kanilang mga naging tagumpay at kinaharap na hamon sa unang semestre ng 2025 sa isang talk show program na isinagawa noong Abril 24, 2025.
Layunin ng naturang talakayan na maipaalam sa publiko ang mga programa at inisyatiba ng tanggapan para sa mga Bangsamoro na naninirahan sa labas ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), gayundin ang mga karanasan at hamon sa pagpapatupad ng kanilang mandato.
Sa panayam, ibinahagi nina Rusman Musa, Development Management Officer III ng OOBC, at Michael Biruar, Administrative Officer II ng Internal Operations, na sa loob ng tatlong taong paglilingkod ng tanggapan ay patuloy nilang ginagampanan ang mahalagang papel sa pakikipag-ugnayan sa mga Bangsamoro communities sa labas ng BARMM. Ginagawa ito sa pakikipagtulungan sa iba’t ibang Bangsamoro Ministries, Offices and Agencies (BMOA) upang maipatupad ang mga programa at proyekto ng pamahalaan.
Ayon pa sa kanila, nakamit ng tanggapan ang Outstanding Office Award noong 2024. Kinilala rin ang ilang empleyado nito noong Pebrero 2025 dahil sa kanilang mahusay na paglilingkod—isang patunay ng patuloy na pagsisikap ng OOBC na maisakatuparan ang mandato nitong maghatid ng serbisyo at palakasin ang ugnayan ng Bangsamoro Government sa mga komunidad sa labas ng rehiyon.
Isa sa mga pangunahing programa ng tanggapan ang OBC MANA o Bangsamoro Communities Mapping and Needs Assessment, na naglalayong matukoy ang kalagayan at pangangailangan ng mga Bangsamoro na naninirahan sa labas ng BARMM. Sa pamamagitan ng programang ito, nakikipag-ugnayan ang OOBC sa iba’t ibang National Government Agencies (NGA), Local Government Units (LGU), stakeholders, at civil society organizations upang mapalakas ang koordinasyon at maihatid ang mga kinakailangang serbisyo.
Sa kabila ng ilang hamon sa mga proseso at koordinasyon sa iba’t ibang tanggapan, nananatiling nakatuon ang OOBC sa pagpapalakas ng ugnayan sa mga Bangsamoro communities sa labas ng BARMM. Patuloy din nitong isinusulong ang mga programang naglalayong magbigay ng mas inklusibo at epektibong serbisyo para sa kanila. (Alimudin K. Kadatuan, Hannan G. Ariman at Noron M. Rajabuyan, BMN/ BangsamoroToday)