
Youth Development Sessions, Isinagawa ng MSSD para sa 20 Kabataang 4Ps Beneficiaries sa Cotabato City

COTABATO CITY (Ika-15 ng Abril , 2025) — Dalawampung Grade 10 na estudyante mula sa Pilot Provincial Science and Technology High School ang kinilala sa isang awarding ceremony noong ika-14 ng Abril, matapos nilang matagumpay na makumpleto ang Youth Development Sessions (YDS) sa ilalim ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Ang mga kabataang ito ay pawang benepisyaryo ng 4Ps at kasalukuyang naninirahan sa Barangay Tamontaka I, Cotabato City. Ang seremonya ay ginanap sa PPSTHS Covered Court.
Nagsimula ang mga sesyon noong ika-12 ng Agosto 2024 at isinagawa buwan-buwan. Tinalakay dito ang mahahalagang kasanayan sa buhay tulad ng pagba-budget, pag-iimpok, pagnenegosyo, at paghahanda sa paghahanap ng trabaho. Nagkaroon din ng aktwal na workshop sa paggawa ng resume upang matulungan silang maghanda sa pagpasok sa mundo ng trabaho.
Nagpakita rin ng suporta ang lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng Sangguniang Kabataan ng Tamontaka I sa pagbibigay ng pagkain sa mga kalahok kada session, na nagpatibay sa mas aktibo at masayang pagkatuto ng mga kabataan.
Sa culminating activity noong ika-14 ng Abril , personal na dumalo ang 4Ps Regional Project Management Office (RPMO) upang iabot sa mga kabataan ang kanilang mga sertipiko at mga token gaya ng YDS-themed mugs at ballpen bilang pagkilala sa kanilang aktibong pakikilahok.
“This initiative is more than just a series of seminars. It is a stepping stone for these young individuals to become empowered, self-reliant, and future-ready citizens,” ani Norjanna Pendaliday, Regional Youth Development Session Focal Person.
Isang mahalagang hakbang ito para sa mga kabataan upang mas maging handa sila sa kanilang pag-aaral at sa pag-abot ng kanilang mga pangarap sa hinaharap, ayon pa sa MSSD.
Ang YDS ay isang dagdag na aralin sa ilalim ng 4Ps na layuning bigyang-kaalaman at kasanayan ang mga kabataang benepisyaryo upang mas makipag tulungan sila sa kanilang pamilya at komunidad. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)