
Bangsamoro Revenue Code, Prayoridad na maipasa bago ang Bangsamoro Parliamentary Election sa Oktubre 2025

COTABATO CITY (Ika-12 ng Abril, 2025) — Pinabibilisan ngayon ng Ways and Means Committee ng Bangsamoro Parliament ang pag-apruba sa panukalang Bangsamoro Revenue Code, bilang bahagi ng paghahanda bago ang halalan sa Oktubre 2025.
Ayon kay Committee Chair Paisalin Tago, isa ito sa pinakamahalagang batas na kailangan para makumpleto ang transisyon ng Bangsamoro government, batay sa itinatakda ng Bangsamoro Organic Law. Dahil dito, pangunahing prayoridad ng kanilang komite ang panukalang batas, na target nilang maisumite sa Parliament bago matapos ang buwan ng Abril.
Malinaw anila ang utos ni BARMM Chief Minister Abdulraof Macacua na bilisan ang proseso upang maipasa agad ang Revenue Code. Sa pagbubukas ng ikaapat na regular na sesyon ng Parliament noong ika-8 ng Abril, muling iginiit nina Chief Minister Macacua at Speaker Pangalian Balindong ang kahalagahan at kagyat na pangangailangan ng batas na ito.
Ang panukalang Revenue Code ay tumutukoy sa pangongolekta ng buwis at iba pang bayarin sa rehiyon. Sa kasalukuyan, nasa amendment period o yugto ng pag-amyenda ang komite upang linawin at ayusin ang mga detalye ng panukala. Kinokonsulta rin ang iba’t ibang ministeryo ng BARMM upang matiyak na magiging epektibo at patas ang mga probisyon ng batas.
Ang Bangsamoro Revenue Code ang huling pangunahing batas na kinakailangang maipasa bilang bahagi ng legal na transisyon tungo sa isang mas matatag at sistematikong pamahalaan sa BARMM. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)