
Gobernador Mastura, Ipinakita ang Suporta sa Marine Exercise 2025

COTABATO CITY (Ika-10 ng Abril, 2025) — Dumalo si Gobernador Datu Sharifudin Tucao P. Mastura, CPA sa pagsisimula ng Marine Exercise 2025 (MAREX 2025) noong ika-9 ng Abril sa bayan ng Datu Blah Sinsuat, Maguindanao del Norte.
Ang nasabing aktibidad ay tatagal hanggang Abril 11 at layuning palakasin ang ugnayan at kahandaan ng mga sundalong Pilipino at Amerikano. Kabilang sa mga isinasagawang pagsasanay ay ang Tactical Communication, Light Armor Infantry Operation, Fires Observer/Controller, Tactical Logistics, jungle survival, jungle patrolling, at mga praktikal na aplikasyon nito.
Nagpasalamat si Gobernador Mastura sa mga Marines mula sa Pilipinas at Estados Unidos sa kanilang dedikasyon sa pagtatanggol sa bansa at pagbibigay ng kapayapaan sa mga komunidad.
Ayon sa 6th Infantry Division, humigit-kumulang 200 US Marines ang kasali sa pagsasanay kasama ng 1st Marine Brigade at mga yunit mula sa Joint Task Force Central.
Kasama ng gobernador sina Mayor Marshall Sinsuat ng Datu Blah Sinsuat, Mayor Datu Tucao Mastura ng Sultan Kudarat, Congresswoman Bai Dimple Mastura, at iba pang lokal na opisyal sa Marine Exercise 2025. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)