Salam Homes Affordable Housing Program ng MHSD maaaring makinabang ang Empleyado ng MPW

(Litrato mula sa MHSD-BARMM)

COTABATO CITY (Ika-8 ng Abril, 2025) — Nagsasagawa ng market study at konsultasyon ang Ministry of Human Settlements and Development (MHSD), ang ahensyang responsable sa pabahay ng Bangsamoro, upang isulong ang SALAM Homes-Bangsamoro Affordable Housing Program at ipinresenta ng MHSD ang nasabing programa sa mga empleyado ng Ministry of Public Works (MPW).

Pinangunahan ni Shallahudin S. Cosain, Chief ng Housing and Human Settlements Division (HHSD), ang presentasyon na isinagawa sa MPW Conference Room sa Bangsamoro Government Center, Cotabato City noong ika-24 ng Marso. Ang team mula sa MHSD ay sinalubong ni MPW Director General at Officer-In-Charge (OIC) Minister Danilo Ong.

Ibinahagi ni Chief Cosain na layunin ng proyekto na matugunan ang lumalaking pangangailangan ng sektor ng mga manggagawa para sa abot-kayang pabahay. Inilunsad ang programang ito upang mabigyan sila ng pagkakataong makapagmay-ari ng maayos at abot-kayang bahay.

Isa sa mga paparating na proyekto ng MHSD ay ang pag-develop ng SALAM Homes sa Upper Itil, Balabagan, Lanao del Sur. Ang subdivision ay mag-aalok ng mga lot-only property na may 100 square meters (sqm) at 200 sqm na pagpipilian. Kasama sa proyekto ang isang covered court na may stage, malalawak na kalsada, integrated drainage system, at solar-powered water system upang matiyak na ang mga residente ay makatira sa isang maayos at disente na komunidad.

Ang ibang mga SALAM Homes na ipapalit ng MHSD ay matatagpuan sa Cotabato City, mga lugar sa Datu Odin Sinsuat at Parang sa Maguindanao del Norte, mga lugar sa Malabang at Balabagan sa Lanao del Sur, at sa mga isla sa Lamitan City, Patikul, at Bonggao.

Hinihikayat ni Chief Cosain ang mga empleyado na mag-invest sa mga proyektong ito dahil sa mga estratehikong lokasyon at sobrang abot-kayang presyo ng mga lupa.

Dagdag pa ni Cosain, ang mga pribadong developer ay kadalasang nag-aalok ng house-and-lot package na nagkakahalaga ng PhP2,514,810.00 para sa isang lot area na 80 sqm at isang bahay na may floor area na 35.10 sqm. Kung ikukumpara, ang MHSD ay nag-aalok ng 100 sqm lot na nagkakahalaga lamang ng PhP425,000.00.

Ipinaliwanag niya na ang house-and-lot na inaalok ng mga pribadong developer ay may amortization na hindi bababa sa PhP18,000.00 bawat buwan sa loob ng 25 taon, kasama ang interes mula sa mga conventional bank. Sa kabilang banda, ang mga proyekto ng MHSD ay may amortization na hindi tataas sa PHP 3,000.00 bawat buwan sa parehong bilang ng taon at walang interes.

Inaasahan ng MHSD na malagdaan ang isang Memorandum of Agreement sa Al Amanah Islamic Investment Bank of the Philippines (AAIIBP) upang mag-explore at magpatupad ng Islamic finance sa mga SALAM Homes Projects ng MHSD. Layunin nitong tiyakin na ang pabahay ay magiging abot-kaya at malaya sa interes, alinsunod sa mga pagpapahalaga ng Islam at mga hangarin ng Bangsamoro.

Ang iba’t ibang mga ministeryo ay makikipag-konsulta din upang mas mapalawak at mapabuti pa ang programang ito sa buong BARMM. Kasama na rito ang Ministry of Environment, Natural Resources and Energy (MENRE) na naunang nakipag-konsulta.

Kasama ni Chief Cosain sa presentasyon sina Rasmina E. Puti, Housing and Homesite Regulation Officer (HHRO) II, Normina S. Nor, Administrative Assistant (AA) V, at Ibrahim P. Daud, Chauffeur. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Previous post ‘Infra Project’ sa Tawi-Tawi, itatayo ng MAFAR-BARMM
Next post Chief Minister Macacua Outlines Priorities at the Ceremonial Opening of the 2nd BTA Parliament’s Fourth Regular Session