
MENRE, COMELEC Nagtulungan sa Grand Baklas Operation

COTABATO CITY (Ika-3 ng Abri, 2025) — Bilang bahagi ng pagpapatupad ng Republic Act No. 3571 na nagbabawal sa paggugupit, pagkasira, o pag-aabala sa mga puno, halaman, at mga tanim sa mga pampublikong lugar, nakilahok ang Ministry of Environment, Natural Resources and Energy (MENRE) ng BARMM, sa pangunguna ng Forest Management Services at PENREO Maguindanao del Norte, CENREO 1A, sa isinagawang “Synchronized Nationwide Grand Baklas Operation” ng Commission on Elections (COMELEC) noong ika-28 ng Marso.
Ayon sa MENRE ang operasyon na ito ay alinsunod sa Republic Act No. 9006 at Resolution No. 11086 ng COMELEC. Kasama ng MENRE sa operasyon ang Cotabato City Engineer’s Office, General Services Office, Philippine Marines, at Philippine National Police (PNP).
Ang layunin ng “Grand Baklas Operation” ay alisin ang mga hindi awtorisadong materyales sa kampanya at tiyakin ang isang malinis at maayos na kapaligiran para sa halalan. Tinutukan ng MENRE ang pagtanggal ng mga posters at tarpaulins na ilegal na ikinakabit sa mga puno, na isang paglabag sa Republic Act No. 3571.
Binanggit ng mga awtoridad ang malaking bilang ng mga campaign materials na ipinapako sa mga puno, na nagdudulot ng panganib sa kalikasan at isang paglabag sa mga batas pangkalikasan.
Ayon sa MENRE, ang mga political campaign materials ay dapat ilagay lamang sa mga itinakdang lugar upang maiwasan ang pinsala sa kalikasan at mapanatili ang isang malinis at sustinableng siyudad. Hinikayat ng mga opisyal ang mga kandidato at kanilang mga tagasuporta na sundin ang mga patakaran ng halalan at mga batas pangkalikasan upang matiyak ang responsableng pangangampanya. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)