
MAFAR, Nag-turn Over ng Solar Dryer at Livestock Facilities sa mga Magsasaka sa Lanao del Sur

COTABATO CITY (Ika-27 ng Marso, 2025) — Nakatanggap ng bagong bodega na may solar dryer at livestock facilities ang mga magsasaka sa Lanao del Sur mula sa Ministry of Agriculture, Fisheries, and Agrarian Reform (MAFAR) sa pamamagitan ng Special Development Fund (SDF). Layunin nitong suportahan ang dating mga combatant sa kanilang mga gawaing pang-agrikultura sa lugar. Noong ika-21 ng Marso, pinangunahan ni MAFAR-SDF Program Officer Engr. Najib Usman ang turn-over ceremony, kasama ang mga opisyal ng barangay at miyembro ng kooperatiba na masayang dumalo sa aktibidad.
Sa kanyang mensahe, hinikayat ni Engr. Usman ang mga magsasaka na gamitin nang maayos ang mga pasilidad at pangalagaan ito upang matiyak na magtatagal ang benepisyo para sa kanilang kooperatiba at buong komunidad.
Ang Farmers’ Cooperative sa Barangay Amaiditimbang, Masiu ang tumanggap ng bagong tayong bodega na magsisilbing imbakan ng kanilang mga inaning pananim. Mayroon din itong solar dryer na tutulong sa kanila na matuyo nang maayos ang kanilang ani.
Lubos ang pasasalamat ni Najer Ali, isa sa mga miyembro ng kooperatiba, sa Bangsamoro Government sa pamamagitan ng MAFAR.
“For a long time, we struggled with inadequate storage and drying facilities. Now, we have a proper warehouse and solar dryer that will help us preserve and process our crops efficiently,” ayon kay Ali.
Maliban sa imbakan at solar dryer, nakatanggap din ang kooperatiba ng cattle shed na magsisilbing maayos na tirahan para sa mga alagang baka, lalo na tuwing masama ang panahon. Ibinahagi ni Omelhair Gandamato, isa rin sa mga miyembro ng kooperatiba, kung gaano kalaking tulong ang kanilang natanggap para sa kanilang livestock project.
“We are very grateful because we not only received cattle from MAFAR, but they also provided us with a proper shelter for them. This will ensure that our cattle are well-protected, especially during the rainy season,” ani Gandamato.
Samantala, ang Tabay Coconut Farm Producer Cooperative sa Barangay Budas, Balabagan ay nakatanggap naman ng goat shed mula sa MAFAR, na makakatulong sa kanilang goat farming project upang mas maging maayos ang pangangalaga at pagpapalaki sa mga alaga nilang kambing.
Ayon sa MAFAR, bahagi ito ng patuloy na inisyatibo ng MAFAR na mapabuti ang mga pasilidad sa agrikultura at suportahan ang mga lokal na magsasaka sa BARMM. Sa pagbibigay ng ganitong mga pasilidad, layunin ng MAFAR na mapalago ang produksyon, mabawasan ang post-harvest losses, at maisulong ang sustainable na pagsasaka at pag-aalaga ng hayop. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)