MOST-BARMM Nagsagawa ng Sertipikasyon para sa mga Miyembro ng Electoral Board sa Paghahanda sa 2025 NLE

(Litrato mula sa MOST-BARMM)

COTABATO CITY (Ika-19 ng Marso, 2025)—Bilang paghahanda sa nalalapit na 2025 National at Local Elections (NLE) sa Mayo, sinimulan na ng Ministry of Science and Technology (MOST) ng Bangsamoro Government ang pagsusuri at sertipikasyon ng mga Electoral Board Members (EBMs) sa rehiyon ng Bangsamoro simula Marso 2025.

Ayon sa Republic Act No. 8436 at ang pag-amenda nito sa pamamagitan ng R.A. No. 9369 o Election Automation Law, ang Department of Science and Technology (DOST) ang responsable sa pagsusuri at sertipikasyon ng mga EBM upang matiyak ang kanilang kasanayan sa paggamit ng Automated Counting Machine (ACM) sa pamamagitan ng mga pagsusuring praktikal at teoretikal.

Sa pakikipagtulungan ng Commission on Elections (COMELEC) – BARMM at DOST, sabay-sabay na isinagawa ang sertipikasyon ng mga EBM sa mga lugar ng Cotabato City, Maguindanao del Norte, Maguindanao del Sur, Special Geographic Area, Lanao del Sur, Basilan, at Tawi-Tawi.

Libu-libong mga guro mula sa Bangsamoro ang itatalaga bilang mga chairperson at poll clerks na magsisilbing EBM sa darating na 2025 National at Local Elections.

Nakatanggap na sila ng pagsasanay mula sa COMELEC upang maging pamilyar sa proseso ng halalan at sa operasyon ng ACM. Matapos ang kanilang pagsasanay, nagsagawa ang MOST ng pagsusuri at sertipikasyon upang tiyakin na may sapat silang kasanayan sa paggamit ng ACM.

Mahalaga ang aktibidad na ito upang matiyak na kahit isa sa mga miyembro ng Electoral Board ay may sapat na kaalaman at kasanayan sa teknolohiya at paggamit ng ACM sa araw ng halalan.

Bilang bahagi ng preparasyon, magsasagawa rin ang Bangsamoro Electoral Office ng mga karagdagang pagsasanay at sertipikasyon para sa mga pulis, sakaling magkaroon ng kakulangan sa bilang ng mga guro na magsisilbing EBM sa darating na halalan. (Hasna U. Bacol, USM BSIR OJT Student: Bai Onamayda P. Dilanggalen, BMN/BangsamoroToday)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Previous post MBHTE Namahagi ng Armchairs sa mga Paaralan sa Bangsamoro region
Next post MILG, UNDP join forces to Enhance Digital Governance in Marantao, LDS