MILG-BARMM Nagsagawa ng Ika-2nd Ramadan Islamic Symposium, Tinalakay ang mga Nagpapawalang-bisa sa pagiging Muslim

(Litrato mula sa MILG-BARMM FB Page)

COTABATO CITY (Ika-18 ng Marso, 2025) — Ang Ministry of the Interior and Local Government (MILG) ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ay nagdaos ng ikalawang Islamic symposium ngayong buwan bilang bahagi ng kanilang taunang espiritwal na aktibidad sa buwan ng Ramadan.

Ang kaganapan ay ginanap noong ika-14 ng Marso, 2025, sa OMS Conference Room, dito sa Lungsod.

Dinaluhan ito ng mga empleyado ng MILG, pati na rin ng mga staff mula sa Interior Affairs Service (IAS) at Operations Management Services (OMS), kasama ang mga Service Directions at mga Division Chief.

Pinangunahan ni Dr. Khairuddin A. Midtimbang, isang eksperto sa Islam, ang symposium at tinalakay ang mga teolohikal na aspeto na maaaring magpawalang-bisa sa pagiging Muslim ng isang tao. Kabilang sa mga kasalanang tinalakay ang shirk (pagtanggap ng mga katuwang kay Allah), pagsasagawa ng itim na mahika, pagsamba sa ibang nilalang, at pagtanggi sa mga pangunahing aral ng pananampalataya.

Ayon kay Dr. Midtimbang, ang mga kasalanang ito ay maaaring magpawala ng pananampalataya at magputol sa koneksyon ng isang tao sa Islam.

Binigyang-diin din ni Dr. Midtimbang ang kahalagahan ng pagkakaroon ng tamang kaalaman tungkol sa mga nullifiers ng pananampalataya. Aniya, ang pag-unawa sa mga bagay na ito ay mahalaga upang maprotektahan ang pananampalataya at mapanatili ang pagsunod sa tunay na monoteismo ng Islam.

Nagbigay din ng mensahe si Atty. Sha Elijah B. Dumama-Alba, MP, MILG Minister, “As we navigate our responsibilities in governance, we must always anchor our actions in faith. Strengthening our understanding of Islam safeguards our personal beliefs and ensures that our service to the Bangsamoro people is guided by righteousness, integrity, and unwavering commitment to justice.”

Ang nasabing symposium ay isang taunang kaganapan tuwing Ramadan, kung saan nagsilbing gabay espiritwal para sa mga empleyado ng MILG-BARMM upang mas mapalalim ang kanilang moral at etikal na mga pundasyon, na mahalaga sa kanilang personal at propesyonal na buhay. Ito ay nagpapatibay ng patuloy na pagkatuto at pagpapalago sa pananampalataya, lalo na sa panahon ng Ramadan, isang oras ng pagninilay at pagpapatawad. (USM OJT Student: Bai Onamayda P. Dilanggalen, BMN/Bangsamoro Today)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Previous post Papel ng Bangsamoro Kababaihan sa Lipunan, Pinag-usapan sa Cotabato City Jail-Female Dormitory
Next post Pagsasanay sa Karapatang Pantao at Amnestiya, Isinagawa para sa MILF Trainers sa Cotabato City