
MOH-Population Division, Binuksan ang Child-Minding Area para sa mga Magulang na Empleyado

COTABATO CITY (Ika-13 ng Marso, 2025) — Sa pagdiriwang ng 2025 National Women’s Month na may temang “Babae sa Lahat ng Sektor, Aangat ang Bukas sa Bagong Pilipinas,” muling binuksan ng MOH-Population Division ang kanilang Child-Minding Area isang mas maayos, mas maluwag, at mas madaling puntahang lugar para sa mga anak ng mga empleyado. Ang proyektong ito ay isinakatuparan sa tulong ng Save the Children Philippines.
Nais ng Child-Minding Area na matulungan ang mga nagtatrabahong magulang, lalo na ang mga ina, upang sila ay makapagtrabaho nang mas maayos nang hindi inaalala kung sino ang mag-aalaga sa kanilang anak. Ayon kay Datu Abdulshattar E. Zailon II, RN, MPH, Chief ng Population Division, “Hindi lang ito [Child-Minding Area] gender issue o gender needs, ito ay kanilang karapatan.”
Bukas ang Child-Minding Area para sa lahat ng empleyadong magulang na walang mapag-iiwanan ng kanilang anak. Sa lugar na ito, maaaring maglaro at matuto ang mga bata habang abala sa trabaho ang kanilang mga magulang.
Nagpahayag naman ng suporta ang Save the Children Philippines sa programang ito at ipinangakong patuloy nilang poprotektahan ang kapakanan ng mga bata. Sa pakikipagtulungan sa MOH-Population Division, bibigyang prayoridad ang karapatan ng mga kababaihan at kanilang mga anak, na siyang magdudulot ng positibong epekto sa Bangsamoro. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)