
Bangsamoro Senior Citizens Sub-Committee, Nagpulong para Palakasin ang Kapakanan ng mga Senior Citizen sa BARMM

COTABATO CITY (Ika-12 ng Marso, 2025) — Nagsagawa ng kauna-unahang pagpupulong ang Bangsamoro Senior Citizens Sub-Committee (BSCC) noong ika-10 ng Marso, sa BPDA Building Conference Hall 2, Bangsamoro Government Center na layuning palakasin ang mga patakaran at programa para sa mga senior citizens sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Dumalo sa pagpupulong ang mga opisyal mula sa iba’t ibang mga ahensya at tanggapan upang talakayin ang mga layunin at direksyon ng komite. Ipinresenta ni MSSD Director Hasim Guiamil ang mga pangunahing layunin at misyon ng komite.
Isa sa mga pangunahing paksa ng pagpupulong ay ang pagpapasya sa mga pamantayan at proseso ng pagpili ng mga kinatawan mula sa mga non-government organizations (NGOs) at mga grupo ng senior citizens, upang matiyak ang aktibong partisipasyon ng lahat. Ibinahagi rin ng MSSD at Ministry of Health (MOH) ang mga kasalukuyang programa at serbisyo para sa mga nakatatandang mamamayan sa BARMM.
Itinala rin ng mga miyembro ng komite ang mga hakbang na dapat gawin upang mapabuti ang implementasyon ng mga patakaran at programa para sa mga senior citizens. Ilan sa mga susunod na hakbang na napag-usapan ay ang mga sumusunod:
1.Regular na Pagpupulong – Magkakaroon ng quarterly na mga pagpupulong at iba pang sesyon kung kinakailangan.
2. Sitwasyon ng mga Senior Citizens– Magbibigay ang BPDO ng pinakahuling pagsusuri ukol sa kalagayan ng mga senior citizens sa BARMM.
3. Pagdiriwang ng Elderly Filipino Week – Palalalimin ang mga partnership para sa taunang selebrasyon.
4. Pagsusuri ng Senior Citizen Centers– Magsasagawa ang MILG ng pagsusuri ng mga sentro para sa mga senior citizens at mga opisina ng OSCA at mga pederasyon.
5. Pagsunod ng mga Negosyo sa Batas– Ang MTIT ay magmamasid sa pagsunod ng mga negosyo sa mga batas ukol sa diskwento at prayoridad ng senior citizens.
6. Pagsusuri ng mga Patakaran – Magsasagawa ng pagsusuri ang MOH at MSSD sa mga pambansang polisiya na nakakaapekto sa mga senior citizens.
7. Pag-iisa ng mga Community Centers– Maghahain ng isang programa para pagsamahin ang mga community centers.
8. Pagsasagawa ng Joint Action Plan– Magbuo ng operational plan, magsagawa ng konsultasyon sa mga stakeholder, at maglaan ng pondo para sa CY 2026.
9. Pagpapalawak ng Pagkakasapi sa BSCC– Maghahain ng panukala para sa pagsali ng OBMUSC sa BSCC, na kailangan ng pag-apruba mula sa SDCom.
10. Pagpapatibay ng Pamantayan sa Pagpili– Tapusin at ipatupad ang mga pamantayan para sa mga kinatawan sa BSCC.
11. Permanenteng Representasyon – Magbibigay ng liham na humihiling na magtalaga ng permanenteng kinatawan at alternatibo sa BSCC.
Ang kauna-unahang pagpupulong na ito ay nagbigay daan sa isang mas maayos at mas inklusibong paraan ng pagtugon sa mga pangangailangan ng mga senior citizens sa BARMM. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)