
MAFAR-MRP, Al-Amanah Islamic Bank Namahagi ng Passbook sa mga Magsasakang IDP sa Marawi

COTABATO CITY (Ika-8 ng Marso, 2025) — Isinagawa ng Ministry of Agriculture, Fisheries, and Agrarian Reform – Marawi Rehabilitation Program (MAFAR-MRP), katuwang ang Al-Amanah Islamic Bank, ang Ceremonial Distribution ng passbook at mass screening ng dokumento noong ika-24 hanggang ika-25 ng Pebrero.
Sa unang batch ng programa, 500 benepisyaryo ang nakatanggap ng passbook para sa kanilang microfinance loan na nagkakahalaga ng PhP25,000 bawat benepisyaryo. Ang pondong ito ay may kasamang service charges at gagamitin upang suportahan ang urban gardening sa kanilang pansamantalang tirahan. Layunin nitong mapalakas ang kita ng mga magsasakang IDP (Internally Displaced Persons) at tulungan silang makabangon mula sa epekto ng digmaan.
Ang Marawi Rehabilitation Program (MRP) ay bahagi ng 12-Point Priority Agenda ni Chief Minister Ahod “AlHajMurad” B. Ebrahim ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM). Patuloy itong nagbibigay ng suporta sa mga magsasakang apektado ng kaguluhan upang palakasin ang agrikultura sa rehiyon.
Sa pamamagitan ng programang ito, umaasa ang pamahalaang BARMM na mas maraming IDP farmers ang makinabang at magkaroon ng mas magandang kinabukasan sa kabila ng kanilang pinagdadaanan.
Dumalo sa seremonya ang ilang opisyal ng BARMM tulad nina Deputy Chief Minister Aleem Ali Solaiman, MP Abdullah G. Macapaar, at MP Said M. Shiek, na kinatawan ni Engr. Cosain Batuampar, MAFAR-Lanao del Sur Provincial Director Atty. Khalid D. Ansano, PABE Engr. Abdulhanif A. Ondi, at MAFAR Deputy Miniser Aisah Abdullah-Sanggacala, PhD, na siya ring Deputy Program Manager ng MRP-MAFAR.
Nakiisa rin ang mga branch managers ng Al-Amanah Bank, kabilang sina Sittie Haniyah Guro (Marawi City), Camaliah Dianalan (Davao City), Amina Saliao (General Santos City), at Jalani Ramos (Iligan City Branch).
Sa tulong ng programang ito, mas lalong mapapalakas ang agrikultura sa Bangsamoro at matutulungan ang mga magsasaka sa kanilang pangkabuhayan. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)