
MP Ambolodto at MBHTE Namahagi ng Learning Kits sa mga Mag-aaral ng Kusiong Elementary School

COTABATO CITY (Ika-4 ng Marso, 2025) — Tumanggap ng school supplies ang 370 mag-aaral ng Kusiong Elementary School sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte noong ika-28 ng Pebrero, sa pangunguna ng opisina ni Bangsamoro Transition Authority (BTA) interim Parliament Member Atty. Teng M. Ambolodto, MNSA, katuwang ang Ministry of Basic, Higher, and Technical Education (MBHTE).
Namahagi ang MBHTE, sa pamamagitan ni Technical Education and Skills Development (TESD) Director General Ruby Andong, ng mga bag para sa mga mag-aaral. Samantala, mula naman sa opisina ni MP Teng ang mga notebook, lapis, at iba pang mahahalagang gamit para sa mga batang nasa Kinder at Grades 1, 5, at 6.
Lubos na nagpasalamat si Kusiong Elementary School Principal Jamillah A. Andong sa tulong na natanggap ng paaralan. Ayon sa kanya, malaking bagay ito para sa maraming mag-aaral na mula sa mahihirap na pamilya, kabilang ang mga Indigenous People (IP). Binanggit din niya na ang kahirapan ay isa sa mga dahilan ng madalas na pagliban ng mga mag-aaral sa klase.
Binigyang-diin ni MP Teng ang kahalagahan ng edukasyon para sa kinabukasan ng Bangsamoro. Aniya, “We understand that access to essential learning materials plays a crucial role in a child’s academic success. We hope that these supplies will not only equip the pupils with the tools they need but also inspire them to embrace the pursuit of knowledge with enthusiasm and dedication.”
Ang inisyatibong ito ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng pamahalaan upang hindi na mahiraoan pang bumili ng gamit ang mga estudyante at mapalakas ang sektor ng edukasyon sa Bangsamoro. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)