Mas Inklusibong Serbisyo para sa Lahat: Serbisyo ng OOBC sa Region X, IX Isinagawa Tinalakay sa Season 2 ng “Bangsamoro Ka, Saan Ka Man”

COTABATO CITY (Ika-27 ng Pebrero, 2026) — Matagumpay na isinagawa ng Office for Other Bangsamoro Communities (OOBC) ang ikalawang season ng programang “Bangsamoro Ka, Saan Ka Man,” isang makabuluhang talk show na nakatuon sa pagpapalakas ng serbisyong Bangsamoro sa loob at labas ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM). Idinaos ang programa noong Pebrero 27, 2025.
Layunin ng programa na pag-isahin at patatagin ang ugnayan ng mga Bangsamoro saan man sila naroroon—sa loob man o labas ng BARMM—at bigyang-diin ang kahalagahan ng pagpapalaganap ng impormasyon at suporta para sa mga komunidad, lalo na yaong nasa labas ng rehiyon.
Ayon sa OOBC, nagsisilbing plataporma ang talk show upang maipahayag ang mga isyu, pangangailangan, at tagumpay ng mga Bangsamoro. Layunin din nitong mapalawak ang kaalaman ng publiko hinggil sa kanilang kalagayan at mapalakas ang partisipasyon ng mga komunidad sa mga programa ng pamahalaang Bangsamoro.
Binigyang-diin ni Amer R. Bazer, consultant sa Region X, ang mahalagang papel ng OOBC sa pagtugon sa mga suliranin ng Bangsamoro communities. Aniya, kinakailangang pagtuunan ng pansin ang economic, social, at cultural development ng mga komunidad, alinsunod sa mga probisyon ng Bangsamoro Organic Law, upang maiparating nang maayos ang kanilang mga pangangailangan sa pamahalaan.

Samantala, sinabi ni Sali A. Calbi, consultant naman sa Region IX, na isa sa pangunahing hinaing ng mga Bangsamoro sa labas ng BARMM ay ang kakulangan sa kabuhayan. Bagama’t may hanapbuhay ang ilan, hindi umano ito sapat upang matugunan ang pangangailangan ng kanilang pamilya. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagbibigay ng angkop at pangmatagalang solusyon upang higit silang maisama sa pagkakaisa at kaunlaran bilang Bangsamoro.
Ang naturang programa ay patunay ng patuloy na pagsusumikap ng OOBC at ng pamahalaang Bangsamoro na makapaghatid ng mas inklusibong serbisyo at mapagtibay ang pagkakaisa ng lahat ng Bangsamoro, saan man sila naroroon. (Hannan G. Ariman at Noron M. Rajabuyan, BMN/ BangsamoroToday)