
Private Madrasah sa BARMM, Tumanggap ng Government Subsidy mula sa MBHTE

COTABATO CITY (Ika-26 ng Pebrero, 2025) — Pitong (7) pribadong madrasah sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang nakatanggap ng financial subsidy mula sa Ministry of Basic, Higher, and Technical Education (MBHTE).
Sa programang ito, makatatanggap ng PhP5,000 ang bawat mag-aaral mula kindergarten hanggang ika-anim na baitang para sa kanilang pag-aaral sa School Year 2023-2024. Ginanap ang pamamahagi ng subsidy noong ika-24 ng Pebrero, sa Shariff Kabunsuan Cultural Complex (SKCC), Cotabato City, BARMM.
Bukod sa pitong madrasah na nabigyan ng subsidy, 17 pribadong madrasah rin ang ginawaran ng parangal bilang pagkilala sa kanilang kontribusyon sa edukasyon, 13 iba pang madrasah ang nakatanggap ng espesyal na parangal dahil sa kanilang mahalagang papel sa pagpapalakas ng Islamic education sa BARMM.
Ang MBHTE ay sinusuportahan ang mga pribadong madrasah sa Bangsamoro upang matulungan silang mapanatili at mapahusay ang kalidad ng Islamic education sa rehiyon.
Pinangunahan ni Director General Prof. Tahir G. Nalg ng MBHTE Directorate General for Madaris Education ang seremonya, kasama si MBHTE Minister Hon. Mohagher Iqbal.
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Minister Iqbal ang kahalagahan ng Islamic education:
“Importante po ang education especially ang Islamic Education although very difficult, I am not claiming to be somebody but very difficult, defining what is Islamic Education because to me lahat ng bagay na hindi salungat sa Islam yan ay Islamic,” punto nito.
Dagdag pa niya, patuloy nilang hinahanap ang tamang modelo para sa mas mataas na antas ng Islamic education: “Magpatayo kami higher education, tertiary education naghanap kami ng model na pwede yung ipapatayo natin na higher education institution ay Islamic.”
Samantala, ipinaliwanag ni Director General Nalg na nagsimula ang pagbibigay ng subsidy noong 2020, gamit lamang ang pondo ng Chief Minister, dahil wala pang nakalaang budget noon.
“First na nagbigay tayo ng subsidy year 2020, it was only sa budget po ng Chief Minister kasi wala pa po tayong budget noon but Alhamdullilah sa tulong ng ating honorable minister yon ay nangyari kahit na wala papo tayong budget, nangyari po iyon,” aniya.
Binigyang-diin din ni DG nalag ang layunin ng programa: “Ang isang objective natin dito ay para kayo matulungan na magkaroon, ma-attain po natin ang tinatawag na na quality education kaya nga po mapapansin ninyo ngayon may mga awards na po tayong maibibigay as a result na monitoring na ginagawa natin sa Madaris Education. Tiningnan po natin kung sinu-sino sa inyo ang dapat na mabigyan ng parangal.”
Ang programang ito ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng MBHTE na palakasin ang Islamic education sa Bangsamoro. Sa pamamagitan ng subsidiya at parangal, masusuportahan ang mga pribadong madrasah at matutulungan ang mga mag-aaral na magkaroon ng mas dekalidad na edukasyon. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)