
MILG, Namahagi ng P3.459M SGLG Incentive Fund sa Tatlong LGU sa Maguindanao del Sur

COTABATO CITY (Ika-26 ng Pebrero, 2025) — Pormal na ipinamahagi ng Ministry of the Interior and Local Government (MILG) ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang Pag P3,459,000 na pondo mula sa Seal of Good Local Governance Incentive Fund (SGLGIF) sa tatlong bayan sa Maguindanao del Sur na ginanap sa MILG Regional Office dito sa Lungsod.
Ang mga bayan ng Datu Saudi Ampatuan, Shariff Aguak, at Sultan sa Barongis ay tumanggap ng tig-PhP1,153,000 bilang pagkilala sa kanilang mahusay na pamamahala sa lokal na gobyerno. Ang mga tseke ay pormal na iniabot nina Operations Management Services Director Fausiah K. Romancap-Abdula at Local Government Development Division Chief Johaina J. Abdullah sa mga kinatawan ng tatlong LGU, kabilang ang kanilang municipal treasurers, SGLG focal persons, at Municipal Local Government Operations Officers (MLGOOs).
Ayon kay MILG Minister Atty. Sha Elijah B. Dumama-Alba, na miyembro din ng Bangsamoro Parliament, hindi lamang simpleng pinansyal na insentibo ang SGLGIF kundi isang mahalagang simbolo ng mahusay na pamamahala.
“The SGLGIF is both a reward and a responsibility. It is a testament to the LGUs’ dedication to good governance and a challenge to sustain excellence in leadership, transparency, and service delivery. We hope this fund empowers our municipalities to implement meaningful projects that benefit the Bangsamoro people,” wika nito.
Ang Seal of Good Local Governance (SGLG) ay isang prestihiyosong parangal na ibinibigay sa mga LGU na nagpapakita ng mataas na pamantayan sa pamamahala, pananagutan, at mahusay na serbisyo sa kanilang nasasakupan. Ang SGLG Incentive Fund (SGLGIF) ay idinisenyo upang tulungan ang mga LGU na magpatupad ng mahahalagang proyekto na direktang makikinabang ang kanilang mga komunidad.
Patuloy na isinusulong ng MILG ang responsableng pamamahala sa Bangsamoro upang matiyak na ang lahat ng LGU ay nagtataguyod ng mahusay, epektibo, at makataong serbisyo para sa mas maunlad na rehiyon. ( Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)