
Chief Minister Ebrahim Nakipagpulong sa United Overseas Bangsamoro

COTABATO CITY (Ika-25 ng Pebrero, 2025) — Pinangunahan ng Chairman ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) Ahod “Al Haj Murad” Ebrahim ang na siya ring at BARMM Chief Minister ang isang pagpupulong kasama ang mga opisyal at miyembro ng United Overseas Bangsamoro noong ika-23 ng Pebrero na ginanap sa Camp Darapanan, Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte.
Sa naturang pulong, tinalakay ang ilang mahahalagang isyu tulad ng pagpapatupad ng programang Ayudang Medikal mula sa Bangsamoro Government (AMBAG) sa mga ospital sa General Santos City. Kabilang din sa mga pinag-usapan ang pagbibigay ng trabaho at kabuhayan para sa mga dating Overseas Bangsamoro Workers, gayundin ang pagtatayo ng pampublikong sementeryo at pagbibigay ng mga ambulansya para sa mga Muslim sa lugar.
Binigyang-diin ni Chairman Ebrahim ang malaking ambag ng Overseas Bangsamoro Workers sa pagpapababa ng antas ng kahirapan sa Bangsamoro Region. Sinabi rin niya na patuloy ang pagsisikap ng kasalukuyang pamahalaan upang mapabuti ang ekonomiya at mabigyan ng mas magandang oportunidad ang lahat ng Bangsamoro People.
Dagdag pa rito, iminungkahi ni Chairman Ebrahim na ang mga inilapit na usapin ay ipasa sa mga kaukulang ministeryo at ahensya ng Bangsamoro Government upang agad itong matugunan. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)