
2nd Project Board Meeting ng Bangsamoro Agri-Enterprise Programme, Sumentro sa Pagpapalakas ang Agrikultura at Negosyo sa Rehiyon

COTABATO CITY (Ika-25 ng Pebrero , 2025) — Isinagawa ang ikalawang Project Board Meeting ng Bangsamoro Agri-Enterprise Programme (BAEP)noong ika-20 ng Pebrero, sa Cotabato City, isang programang pinondohan ng European Union (EU) at ipinatupad ng United Nations Industrial Development Organization (UNIDO).
Dinaluhan ito ng mga kinatawan mula sa EU Delegation sa Pilipinas, UNIDO, at pamahalaan ng Bangsamoro. Pinag-usapan sa pulong ang mga naging tagumpay ng programa noong 2024 at ang mga plano para sa 2025, na may pangunahing layunin na palakasin ang agribusiness sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Binigyang-diin ni Datu Hamsur Zaid, Chief ng Agribusiness Management and Assistance Division (AMAD) at EU-BAEP National Project Director, ang pagpapalakas ng mga institusyon sa pamamagitan ng programa. Samantala, ipinahayag naman ni Ms. Myrto Christofidou, Programme Officer ng EU Delegation, na ang proyekto ay epektibong nag-uugnay sa mga komunidad, awtoridad, at pribadong sektor upang mapalakas ang agrikultura at negosyo sa rehiyon.
Ayon sa Project Board, noong 2024, 45 na tauhan mula sa mga institusyon ng BARMM at Halal Certification Bodies, pati na rin ang 11 tauhan mula sa mga suportadong laboratoryo, ang sumailalim sa pagsasanay. Karamihan sa mga kalahok ay kababaihan, na nagpakita ng malaking pagtaas sa kanilang teknikal na kakayahan matapos ang training.
Sa ilalim ng programa, maayos at transparent na isinagawa ang pagpili ng mga agribusiness beneficiary, katuwang ang EU-UNIDO BAEP at mga ahensya ng BARMM. Bukod dito, matagumpay ding natukoy ang mga agribusiness at shared processing facilities na makakatulong sa pagpapalakas ng lokal na negosyo at pagpasok sa mas malaking pamilihan.
Para sa 2025, nakatuon ang programa sa lalo pang pagpapalakas ng kakayahan ng BARMM sa agrikultura at pangisdaan, pagsasanay sa food safety, at pagtugon sa international standards upang mas mapalakas ang sektor ng agribusiness sa rehiyon. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)