MOST-BARMM Nagsagawa ng Pagsusuri at On-Site Monitoring sa Apat na Proyekto ng Pananaliksik ng MSU-Marawi

(Litrato mula sa MOST-BARMM)

COTABATO CITY (Ika-20 ng Pebrero, 2025) — Nagsagawa ang ahensya ng pagsusuri at on-site monitoring sa apat na proyekto ng Research and Development (R&D) ng Mindanao State University – Main Campus (MSU-Marawi) noong ika-17 hanggang ika-18 ng Pebrero upang masiguro ang maayos at epektibong pagpapatupad ng mga proyektong pananaliksik na suportado at pinondohan ng Ministry of Science and Technology (MOST).

Layunin ng monitoring na ito na suriin ang progreso ng mga isinasagawang pananaliksik, tiyakin ang transparency at accountability sa pagpapatupad ng mga proyekto, at ipaalala sa mga mananaliksik ang napapanahong pagsusumite ng teknikal at pinansyal na ulat.

Binigyang-diin ni Nasrodin A. Buisan, EnP, DiSDS, Direktor II ng R&D Services, ang kahalagahan ng pananaliksik sa paglutas ng mahahalagang isyu sa rehiyon at ang direktang epekto nito sa mga Bangsamoro.

“We encourage our researchers to develop and pursue studies that align with regional priorities and create significant impacts on the lives of the Bangsamoro people,” pahayag ni Buisan.

Samantala, itinampok ni Dr. Mahid M. Mangontarum, Direktor ng MSU-Mamitua Saber Institute of Research and Creation, ang mga inisyatiba sa R&D ng MSU System at muling pinagtibay ang pangarap nilang maging isang nangungunang unibersidad sa pananaliksik. Nagpahayag din siya ng pasasalamat sa MOST sa patuloy na pakikipagtulungan at pagsuporta sa mga pananaliksik ng MSU-Marawi.

Ang apat na proyekto ng R&D na sinuri at minonitor ay ang mga sumusunod: Epekto ng Crescentia cujete Linn Fruit Extracts sa Obesity at Insulin Secretion gamit ang Cell Model – Pinangunahan ni Dr. Merell Billacura, Pagkilala at Pagsusuri ng Clay Deposits sa Lanao del Sur: Pangunahing Hilaw na Materyal para sa Paggawa ng Ceramics – Pinangunahan ni Engr. Acsara Gumal, Pagbabago sa Pagtukoy ng Rice (Oryza sativa L.) Pathogens: Pagbuo ng Android-Based Machine Learning Model para sa Maagang Pagkilala ng Sakit – Pinangunahan ni Prof. Sacaria B. Gulam, Pagbuo ng Integrated Crop Management (ICM) para sa Strawberry (Fragaria × ananassa Duch) at Pagtatatag ng Strawberry Farms sa Lanao del Sur – Pinangunahan ni Mr. Edgel Escomen.

Bago ang opisyal na pagsusuri, bumisita muna ang team ng MOST at mga mananaliksik kay MSU System President Atty. Basari D. Mapupuno upang talakayin ang progreso ng mga pananaliksik at pag-usapan ang posibleng mga susunod pang pakikipagtulungan. Sa naturang pagbisita, nagbigay rin ng maiikling presentasyon ang mga mananaliksik tungkol sa kanilang pag-aaral at ang ambag nito sa science at teknolohiya sa Bangsamoro region.

Sa ikalawang araw, bumisita sa aktwal na proyekto ang team ng MOST at mga mananaliksik upang masusing suriin ang pagpapatupad ng kanilang pananaliksik.

Sa pamamagitan ng Bangsamoro Research Access and Collaborative R&D Engagement (BRACE) Project, patuloy na pinalalakas ng MOST-RDS ang pakikipagtulungan sa pananaliksik, pagpapahusay ng kakayahan sa R&D, at pagtatatag ng pangmatagalang ugnayan sa pagitan ng mga akademikong institusyon at industriya.

Nananatiling nakatuon ang MOST sa pagsuporta sa mga makabago at mataas na impact na pananaliksik na tumutugma sa mga prayoridad ng rehiyon, habang pinagtitibay ang papel ng agham sa pagbuo ng patakaran at pagsulong ng ekonomiya sa BARMM. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Previous post MENRE Lumahok sa Summit para sa Ligtas at Matatag na Transportasyong Pandagat sa BARMM
Next post LDS nakatanggap ng P15B para sa mga Serbisyong Panlipunan at MSSD Tiniyak ang Tulong sa bawat Bangsamoro