
UBJP, Pinalalakas ang Kampanya sa Lanao del Sur para sa Lokal na Halalan

COTABATO CITY (Ika-17 ng Pebrero, 2025)—Tinipon ni United Bangsamoro Justice Party (UBJP) party President Ahod “Al Haj Murad” Ebrahim ang mga kandidato ng partido sa Lanao del Sur upang pag-usapan ang mga dapat na gawain at pagtibayin ang kanilang kampanya para sa nalalapit na lokal na halalan na ginanap sa Camp Darapanan, Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte.
Dumalo rin sa pagpupulong sina UBJP Vice President for Northern Mindanao Sheikh Ali Solaiman at Provincial Executive Officer Marjanie Mimbantas Macasalong. Pinag-usapan ang mga estratehiya upang tiyakin ang tagumpay ng partido mula sa antas ng Gobernador, Bise-Gobernador, Board Members, Mayors, hanggang sa mga Konsehal.
Ayon kay UBJP Gubernatorial Candidate Fiat Macarambon ng Lanao del Sur, nakahanda na ang buong slate ng partido sa probinsya para sa opisyal na pagsisimula ng kampanya.
Samantala, binigyang-diin ni UBJP PCEO at Vice Gubernatorial Candidate Marjanie Macasalong ang matibay na pundasyon ng partido sa hanay ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), na kinabibilangan rin ng mga miyembro ng UBJP.
Sa pagtatapos ng pagpupulong, muling pinagtibay ni President Ebrahim ang buong suporta ng UBJP sa kanilang mga kandidato sa Lanao del Sur at sa buong Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM). (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)