![](https://bangsamorotoday.com/wp-content/uploads/2025/02/IMG_1035-1.jpeg)
MP Antao, Dumalo sa Makasaysayang 3rd General Assembly ng UBJP Malidegao
![](https://bangsamorotoday.com/wp-content/uploads/2025/02/IMG_1034-1024x1024.jpeg)
COTABATO CITY (Ika-14 Ng Pebrero, 2025)—Dumalo si Mohammad Kelie U. Antao bilang miyembro ng UBJP-SGA sa 3rd General Assembly ng UBJP Malidegao na ginanap sa MI-FPC, Batulawan, Malidegao, SGA noong ika-12 Ng Pebrero.
Inihatid niya ang mensaheng “One Party, One Voice, United for Progress and Justice,” bilang panawagan para sa pagkakaisa at tamang pamumuno sa hanay ng partido.
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni MP Antao ang kahalagahan ng mga prinsipyo at pangmasang hangarin ng UBJP bilang isang political party. Ipinunto niya na mahalaga ang pagkakaisa sa pagtupad ng mga mithiin ng partido, lalong-lalo na sa pagpapalakas ng ugnayan ng 63 barangay na kasalukuyang pinamumunuan niya bilang Chief Executive Officer, sa ilalim ng pamumuno ng MILF, BARMM government, at ng UBJP.
Higit pa rito, lumahok din sa pagtitipon si UBJP Vice-President for Central Mindanao, Minister Mohagher M. Iqbal, na tinalakay ang mga mahahalagang usaping may kinalaman sa Bangsamoro. Ang pagtitipon, na dinaluhan ng libu-libong miyembro, ay itinuturing na isang mahalagang hakbang tungo sa mas progresibong kinabukasan at katarungan para sa rehiyon.
Sa huling bahagi ng assembly, malinaw ang determinasyon ng mga lider na itaguyod ang pagkakaisa at pagbibigay ng tunay na serbisyo para sa kapakanan ng Bangsamoro. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)