Pagsasanay sa Advanced QGIS, Tinutukan ng MENRE- Biodiversity, Ecosystem, Research, and Development Services

(Litrato mula sa MENRE-BARMM FB Page)

COTABATO CITY (Ika-12 ng Pebrero, 2025) — Lumahok ang Biodiversity, Ecosystem, Research, and Development Services (BERDS) ng Ministry of Environment, Natural Resources, and Energy (MENRE) sa apat na araw na advanced training workshop sa Quantum Geographic Information System (QGIS) noong ika-4 hanggang ika-7 ng Pebrero. Ang training, na pinangunahan ng Mindanao State University (MSU) Maguindanao, ay bahagi ng patuloy na inisyatiba sa Geographic Information System (GIS) upang mapalakas ang kakayahan sa pagsusuri ng espasyo at kapaligiran.  

Dahil sa mga hamon sa kalikasan tulad ng pagguho ng lupa, pagkakalbo ng kagubatan, at pagkasira ng lupain sa rehiyon ng Bangsamoro, tinutukan ng pagsasanay ang mga advanced na teknolohiya sa QGIS, kabilang ang 3D mapping, terrain analysis, at paggamit ng remote sensing data. Natutunan din ng mga kalahok ang automation ng geospatial workflows gamit ang Python upang mapahusay ang pagproseso at pagsusuri ng datos para sa watershed characterization at disaster risk assessment.  

Kabilang sa mga lumahok sina Joharie U. Diao, Senior Ecosystem Management Specialist; Al-Azhar B. Silo, Science Research Analyst; at Fahad L. Talib, Research Assistant mula sa Regional Office-BERDS. Dumalo rin ang mga opisyal mula sa Provincial Maguindanao Office, kabilang sina Nazrollah D. Pendaliday (CENREO 1A) at Datu Puti M. Kamensa (CENREO 1B).  

Bukod dito, tinutukan din ng training ang map layout processing at ang integrasyon ng datos ukol sa land cover at kalidad ng tubig, tulad ng pH, electroconductivity, biochemical oxygen demand, at temperatura.

Bagamat nakatuon ang pagsasanay sa watershed characterization, malawak ang aplikasyon nito sa mas pangkalahatang plano sa pangangalaga ng kalikasan. Sinusuportahan nito ang proyekto ng Ministry of Science and Technology (MOST) sa karakterisasyon ng South Upi Forest Watershed at pagsusuri ng pagiging bulnerable nito sa pagguho ng lupa.  

Sa mga susunod na buwan, bubuo ang MSU Maguindanao ng isang management plan para sa South Upi, Maguindanao del Sur. Ilan sa mga lumahok sa pagsasanay ay inimbitahang makibahagi sa inisyatibong ito, na ang iskedyul ay ilalabas sa mga susunod.

Ipinakita ng pagsasanay ang kahalagahan ng mapping bilang kasangkapan sa pagpaplano at binigyang-diin ang pangangailangan ng patuloy na pagpapalakas ng kakayahan sa watershed at environmental management.  (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Previous post OFL, Nagbigay ng P1.5M na Pondo para sa Mas Malawak na Serbisyong Pangkalusugan sa BARMM
Next post MILG, COMELEC, at Security Forces, Pinalakas ang Koordinasyon para sa Halalan 2025