
Programang PASAD ni MP Antao, Rido sa Kadayangan Natuldukan

COTABATO CITY (Ika-11 ng Pebrero, 2025) — Matagumpay na naayos ang matagal nang hindi pagkakaunawaan o Rido sa pagitan ng mga pamilyang Adam at Sugod sa Barangay Mudseng, Kadayangan, Special Geographic Area (SGA), sa tulong ng People’s Alternative System of Addressing Disputes (PASAD) na programa ni Member of Parliament Mohammad Kelie U. Antao katuwang ang Ministry of Public Order and Safety (MPOS).
Matapos ang ilang buwang dayalogo sa pangunguna ng tanggapan ni MP Antao, sa tulong ng MILF-Political Committee ng Central Midsayap at Barangay Local Government Unit, pormal nang natuldukan ang hidwaan sa pamamagitan ng isang amicable settlement. Sa naganap na seremonya, parehong pumirma sa dokumento ng kasunduan ang dalawang panig bilang tanda ng kanilang pagsang-ayon na tuluyan nang tapusin ang hindi pagkakaunawaan.
Dumalo sa kaganapan ang mga opisyal mula sa Local Government Unit ng Kadayangan, United Bangsamoro Justice Party (UBJP) Kadayangan, Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), at mga miyembro ng komunidad na aktibong sumusuporta sa usaping pangkapayapaan.
Ang pagsasaayos ng mga rido sa SGA ay isa sa mga pangunahing layunin ng programa ni MP Antao. “Ang People’s Alternative System of Addressing Disputes o PASAD ay isang inisyatiba na tumutulong sa mga pamilyang may alitan upang makamit ang tunay na kapayapaan. Sa kasalukuyan, nasa 24 na family feuds na ang matagumpay nating naisaayos sa tulong ng MPOS BARMM at iba’t ibang organisasyon sa komunidad,” ani MP Antao.
Sa pamamagitan ng patuloy na suporta ng iba’t ibang ahensya at mga stakeholder, patuloy na isusulong ng MPOS at PASAD ang pagkakaisa at kapayapaan sa Bangsamoro region, lalo na sa mga lugar na apektado ng matagal nang hidwaan. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)