Pangulong Marcos nais na gawin ang Unang Halalan sa BARMM sa Oktubre 2025
COTABATO CITY (Ika-30 ng Enero, 2025)—Isinulong ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. ang sertipikasyon bilang agarang panukalang batas na naglalayong ipagpaliban ang unang regular na halalan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) hanggang Oktubre 2025.
Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), ang Senate Bill No. 2942 ang opisyal na bersyong sinuportahan ng Pangulo. Sa isang liham kay Senate President Francis “Chiz” Escudero, ipinaabot ni Pangulong Marcos ang kanyang pagsang-ayon sa panukalang nag-aamyenda sa Republic Act No. 11054 o ang Organic Law for the Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Iginiit ng PCO na ang hakbang na ito ay tugon sa pangangailangan ng transitional government ng BARMM upang maayos ang kanilang istruktura ng pamamahala.
“Given recent legal developments surrounding the issue, the President said the move would address the urgent need of the Bangsamoro transitional government to realign its governance structure,” pahayag ng PCO.
Dagdag pa rito, layunin din ng pagpapaliban ng halalan na tiyakin ang mas inklusibo at tunay na awtonomiyang pamamahala sa rehiyon.
Una nang iminungkahi na ilipat ang halalan mula ika-12 ng Mayo, 2025, patungong ika-11 ng Agosto, 2025. Gayunpaman, ayon kay Senador JV Ejercito, pangunahing tagapagtaguyod ng panukala, itinakda na ito sa ika-13 ng Oktubre, 2025.
“The next election shall be held and synchronized with the 2028 national elections, and every 3 years thereafter,” ayon sa opisina ni Ejercito sa isang text message sa mga media.
Sa Senado, naipasa na sa ikalawang pagbasa ang panukalang batas noong Martes. Samantala, ang House Bill No. 11144, ang bersyon mula sa Kamara na naglalayong ilipat ang halalan sa Mayo 2026, ay inaprubahan na sa ikatlo at pinal na pagbasa noong Disyembre 2024. (Hasna U. Bacol,BMN/BangsamoroToday)