UBJP Central Mindanao Inilunsad ang Membership Online Registration para sa mga Miyembro ng Partido

(Litrato kuha ni Mohamiden G. Soliman, BMN/BangsamoroToday)

COTABATO CITY (Ika-23 ng Enero, 2025) – Pormal na inilunsad ng United Bangsamoro Justice Party (UBJP) ng Central Mindanao ang kanilang Online Registration System (ORS) para sa mga miyembro ng partido. Pinangunahan ang makasaysayang aktibidad na ito ni UBJP Executive Vice President at Vice President for Central Mindanao, Mohagher M. Iqbal, kasama ang iba pang opisyal at lider ng partido sa Alnor Hotel and Convention Center sa lungsod.

Ang programa ay sinimulan sa isang Qur’an Reading ni Al-Hafidz Farouq Juanday, kasunod ng Acknowledgment of Participants mula kay Ammier Dodo, at Welcome Remarks na ibinigay ni UBJP Vice President for Central Mindanao Mohagher Iqbal.  

Sa mensahe ni Iqbal, binigyang-diin nito ang kahalagahan ng preparasyon at organisasyon sa isang eleksyon, aniya, “Ang eleksyon ay hindi swerte-swerte. Kailangan dito ay preparasyon, of course, alam ni Allah ang lahat, ngunit bahagi ng pagsisikap natin ang maghanda upang matiyak ang tagumpay.”

Ipinaliwanag din niya ang malaking bahagi ng agham sa tagumpay ng isang kampanya. “Sabi nga ni Governor Lala Talino-Mendoza, ang eleksyon ay 50% science at 50% organization. Ibig sabihin, kailangan alam natin ang ating mga botante kung sino ang atin, sino ang kalaban, at sino ang neutral. Kaya napakahalaga ng online registration system na ito dahil bahagi ito ng siyensiya na magpapalakas sa ating kampanya,” dagdag ni UBJP Vice President Iqbal.  

Ipinaabot naman ang keynote message si UBJP President Ahod B. Ebrahim sa pamamagitan ng kanyang Assistant Secretary na si Nasserudin Dunding. Sa kanyang mensahe, pinuri ni Ebrahim ang inisyatibong ito bilang isang mahalagang hakbang sa pagpapabuti ng sistema ng pagpaparehistro ng partido.  

“This innovative initiative marks a significant step forward in enhancing accessibility and efficiency in our membership and retention registration processes. Ito ay isang strategy upang mas mapalapit ang partido sa mga miyembro nito at sa mga mag pamiyembro pa lamang,” ani UBJP President Ebrahim.

Dagdag pa nito, “As we embrace technological advancement, we encourage everyone to take full advantage of this new platform which promises to make our operations more responsive to the needs of our members.”

Bukod sa mga mensahe, nagkaroon din ng walkthrough para sa UBJPCM-ORS na pinangunahan ni Dr. Zul Qarneyn M. Abas, Cotabato City Executive Officer ng UBJP. Ipinaliwanag niya kung paano maka-access at magagamit ng mga miyembro ang sistema.  

Sa pagtatapos ng programa, nagbigay ng Closing Remarks si Mohammad Kelie Antao, na nagpahayag ng kanyang pasasalamat sa lahat ng dumalo at sumuporta sa programa.

Ang paglulunsad ng UBJP Central Mindanao Online Registration System ay naglalayong mapabuti ang proseso ng pagpaparehistro ng miyembro at tiyakin ang tagumpay ng partido sa darating na 2025 elections. (Sahara A. Saban, BMN/BangsamoroToday)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Previous post MOST Nagsagawa ng Groundbreaking Ceremony para sa First Bangsamoro Science High School
Next post MSSD Inilunsad ang Financial Assistance System Transformation (FAST) Project sa Digital Bangsamoro Summit 2025